Marama, pinaluhod ang world no. 11; Usad sa round 2

John Mark Marama Tokong Cloud 9 Siargao WSL Surfing

SIARGAO – Nagpasiklab sa harap ng kababayang manonood si John Mark “Marama” Tokong matapos patumbahin ang Brazilian World No. 11 na si Samuel Pupo upang makausad sa Round 2 ng World Surf League (WSL) Championship Tour Philippines Pro sa Cloud 9 nitong Linggo.

Nagpakawala ng matitinding sakay sa alon si Tokong para makalikom ng 16.60 puntos mula sa dalawang wave na naghatid sa kanya ng 8.60 at 8.00 puntos.

Hindi nakasabay si Pupo na nagtala lamang ng 11.00 puntos sa kanilang opening-round heat.

Sa harap ng nag-uumapaw na suporta ng mga Pinoy fans, mahusay na kinontrol ni Tokong ang kanyang emosyon at sinamantala ang 6 hanggang 8 talampakang alon sa maaliwalas na kondisyon ng dagat.

Inamin ng Filipino surfer na hindi madaling sumabak sa harap ng sariling kababayan dahil sa malaking pressure, ngunit pinili niyang manatiling kalmado at magtuon lamang sa kanyang laro.

Lalo pang naging makabuluhan ang kanyang panalo dahil naririnig niya ang hiyawan ng pamilya, mga kaibigan at tagasuporta tuwing umaahon siya mula sa alon.

Iginiit ni Tokong na hindi lamang para sa kanyang sarili ang kanyang ipinaglalaban kundi para rin sa kanyang pamilya, mga kaibigan, tagahanga at higit sa lahat, sa Pilipinas.

Matapos ang matagumpay na unang round, determinado si Marama na muling magpasikat sa susunod niyang laban at bigyan ng panibagong dahilan para magdiwang ang mga Pinoy surfing fans.

Ang Philippines Pro ay inihahandog ng Philippine Sports Commission (PSC), katuwang ang Surigao del Norte Gov. Robert Lyndon Barbers at mga opisyal ng General Luna na sina Mayor Johnson Sajulga at Vice Mayor Romina Sajulga.

Kabilang din sa mga sumusuporta sa torneo ang PAGCOR, DOT, DPWH, TIEZA at NEA/SIARELCO.

May garantisadong US$13,000 o halos P830,000 ang mga surfer na matatanggal sa unang round, habang US$80,000 o tinatayang P5.1 milyon ang nakataya para sa kampeon.

Mapapanood nang live ang mga aksiyon sa One Sports YouTube channel at Cignal Play. (PSC/HNT)