UP Diliman Campus naalarma vs banta sa social media mga estudyante pinalikas

Bomb Threat Scare

NAGING tensiyonado ang sitwasyon sa University of the Philippines (UP) sa Diliman, Quezon City nang makatanggap ng banta mula sa isang social media account na sinabing pag-aari ng isang estudyante.

Mabilis na pinalikas ang mga estudyante, guro, at kawani mula sa Palma Hall at Malcolm Hall ng unibersidad kasunod ng mabilis na responde ng Quezon City Police District (QCPD), Quezon City Disaster Risk Reduction and Management Office (QCDRRMO), Urban Search and Rescue (USAR) Team, at Philippine National Police (PNP) Bomb Squad para inspeksiyonin ang mga gusali sa paaralan.

Sa paunang imbestigasyon, lumitaw na nakatanggap ang nag-ulat ng insidente ng mensahe sa social media mula sa account na sinabing pag-aari ng isang estudyante. “Maghahasik ng lagim sa buong Palma at Malcolm. Humanda kayong lahat,” nakasaad sa mensahe.

Kasunod ng paglikas, nagsagawa ng inspeksiyon at kaukulang safety procedures ang mga tauhan ng Explosive Ordnance Disposal (EOD), ngunit walang natagpuang kahina-hinala o mapanganib na bagay sa mga sinuring lugar.

Nakipag-ugnayan ang mga responder sa UP Campus staff at security personnel, Bureau of Fire Protection (BFP), Department of Public Order and Safety (DPOS), UP Diliman Police (UPDP), Philippine National Police (PNP) at Traffic and Transport Management Department (TTMD) para sa kaligtasan ng buong campus.