NASAKOTE ng mga tauhan ng Philippine Coast Guard (PCG) at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang may kabuuang 12 kilo ng hinihinalang shabu na tinatayang nagkakahalaga ng P81.6 milyon sa Batangas Port, Brgy. Sta. Clara sa lungsod ng Batangas, nitong Miyerkoles, 7 Oktubre.
Naaresto sa operasyon ang apat na pinaghihinalaang mga tulak ng ilegal na droga na ayon kay PCG spokesperson Commodore Noemie Cayabyab ay nasa edad 18, 29, 30, at 41 anyos, nagpakilalang mga residente sa Malate, Maynila at Maluso, Basilan.
Nakompiska mula sa mga suspek ang isang sasakyan, cellphone, mga ID at mga ATM card.
Ipinasa ang mga suspek at mga piraso ng ebidensiya sa PDEA para sa nararapat na disposisyon at pagsasampa ng mga kaukulang kaso.
