HINDI nakalusot sa domestic departure area ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 ang isang lalaking hinihinalang miyembro ng isang pusakal na robbery-holdup gang na sangkot sa insidente ng nakawan sa Malolos, Bulacan, matapos harangin ng PNP Aviation Security Group (Avsegroup) at iba pang grupo ng mga operatiba ng pamahalaan.
Sa ulat, nabatid na naganap ang insidente ng nakawan sa Purok 5, Barangay Lugam, sa nabanggit na lungsod, noong hapon ng Huwebes, 1 Oktubre, matapos magpanggap na ordinaryong customer ang mga suspek.
Kita sa kuha ng CCTV ang dalawang lalaking unang pumasok sa jewelry shop at nagpanggap na mga customer.
Ngunit maya-maya ay nagdeklara ng holdap habang kinukuha ang mga naka-display na alahas.
Hindi rin nakaligtas sa dahas ang security guard ng establisimiyento na pinuwersa ng mga suspek at hinampas gamit ang baril upang mapahiga habang nililimas ang mga alahas.
Matapos makulimbat ang milyon-milyong halaga ng mga alahas, mabilis na tumakas ang mga suspek sa hindi matukoy na direksiyon.
Ngunit naging maagap ang mga operatiba ng Bulacan Police Provincial Office (PPO) at natukoy na isa sa mga suspek ay tatakas sa pamamagitan ng pagsakay ng erpolano.
Sa koordinasyong ginawa ng Bulacan PPO, PRO-3 RID, at RSOG 3 sa NAIA Police Station 3 matapos matukoy at makompirmang nakapag-check-in ang suspek para sa flight patungong Cagayan de Oro, isinagawa ang hot pursuit at entrapment operation sa tulong ng New NAIA Infra Corp. Security at ng airline.
Naharang ng mga awtoridad ang suspek bago pa man makalipad at tuluyang naibalik sa kustodiya ng pulisya para sa kaukulang proseso.
Samantala, nagpapatuloy ang operasyon ng pulisya upang matunton at maaresto ang iba pang sangkot sa krimen. (MICKA BAUTISTA)
