Aichi-Nagoya Asiad, closing ceremony

Team PH Pilipinas Asian games Closing

NAGOYA, Japan — Tuluyan nang ibinaba ang telon sa 20th Asian Games matapos ang 16 araw ng matitinding labanan ng mga atleta mula sa 45 bansa sa Asya.

Puno ng kulay, musika at engrandeng pagtatanghal ang Closing Ceremony ng Aichi-Nagoya 2026 Asian Games nitong Linggo, Oktubre 4, sa Nagoya City Mizuho Park Athletic Stadium (Paloma Mizuho Stadium).

Sinaksihan ito ng mga atleta, opisyal at panauhin bilang hudyat ng pormal na pagtatapos ng palaro.

Nagwakas ang kampanya ng Team Philippines sa makasaysayang 29 medalya—apat na ginto, walong pilak at 16 na bronse, pinakamataas na medal tally ng bansa sa Asian Games mula noong 1966 Bangkok edition.

Pinuri ni Philippine Olympic Committee (POC) President Abraham “Bambol” Tolentino ang buong delegasyon, partikular ang mga atleta, coach at support staff na naglaan ng panahon, sakripisyo at dedikasyon para sa bansa.

“Maraming salamat sa inyong sakripisyo at sa karangalang inyong ibinigay sa ating bayan,” ani Tolentino.

Kabilang sa mga tampok sa Athletes’ Parade sina pole vault champion EJ Obiena at boxing silver medalist Carlo Paalam.

Ipinahayag naman ni Philippine Sports Commission (PSC) Chairman Patrick Gregorio ang kanyang kasiyahan sa pag-unlad ng Philippine sports, lalo na sa pagdami ng mga disiplina kung saan nakipagkumpitensya at nagkamit ng medalya ang Pilipinas.

Kasabay ng pagsasara ng Aichi-Nagoya Games ang seremonyal na turnover ng Asian Games sa susunod na host na Doha, Qatar, na magdaraos ng 21st Asian Games sa 2030.

Matapos patayin ang cauldron at ipasa ang watawat ng Olympic Council of Asia (OCA) sa Qatar, tuluyan nang nagtapos ang 16-araw na paligsahan na muling nagbuklod sa mga atleta ng Asya sa ngalan ng kompetisyon, dangal at pagkakaisa. (POC Media Pool/HNT)