NAGOYA — Walang kaabog-abog na sinimulan ni Nesthy Petecio ang kanyang kampanya sa 20th Asian Games matapos pabagsakin at pataubin si Jordan’s Mays Alreem Abukhadijah sa women’s 60-kilogram boxing event nitong Sabado sa Nishio City General Gymnasium.
Itinigil ni referee Lukman Wekadapola ang laban sa 1:51 ng second round matapos magpakawala si Petecio ng dalawang matitinding knockdown laban sa Jordanian.
Mula pa lamang sa unang bell ay kontrolado na ng Olympic silver medalist sa Tokyo 2020 at Paris 2024 ang laban, tangan ang 10-9 na abante sa unang round.
Dahil sa kanyang bagsik sa ikalawang round, wala nang nagawa ang referee kundi ihinto ang bakbakan at igawad kay Petecio ang Referee Stopped Contest (RSC) victory.
Kasama na ngayon ni Petecio sa quarterfinals ang kapwa Tokyo Olympic silver medalist na si Carlo Paalam, na tinalo si Commonwealth Games silver medalist Jadumani Mandengbam ng India via 3-0 split decision.
“Good day today for us as two Olympic medalists Carlo (Paalam) and Nesthy joined (Junmilardo) Ogayre to make it three boxers in the quarterfinals,” ani Association of Boxing Alliances in the Philippines president Marcus Manalo.
Isang panalo na lamang ang kailangan ng mga boksingero ng Pilipinas sa quarterfinals upang masiguro ang puwesto sa podium.
Makakaharap ni Petecio si Chengyu Yang ng China, habang si Ogayre ay sasagupa kay Uzbek Abdumalik Khlakov sa men’s 60kg. Si Paalam naman ay makikipagsuntukan kay Jiaomao Zhang ng China sa men’s 55kg. (PO Media Pool/HNT)
