Sa Nueva Vizcaya
P100 dagdag-sahod hirit ng mga manggagawa

Nueva Vizcaya

HINILING ng mga manggagawa sa Nueva Ecija ang P100 dagdag na sahod sa isinagawang public hearing na pinangunahan ng Regional Tripartite Wages and Productivity Board (RTWPB) Region 2 sa bayan ng Solano kamakalawa.

Bukod sa hirit na P100 wage increase kada araw, hiniling din sa pagdinig ang P1,500 na karagdagang sahod kada buwan para sa mga kasambahay.

Ayon sa mga kinatawan ng labor sector, ang kanilang kahilingan ay resulta ng hindi maiwasang pagtaas ng presyo ng mga pangunahing bilihin kabilang rito ang magkakasunod na pagtaas ng produktong petrolyo.

Ayon kay DOLE Regional Director Imelda Romanillos, ang public hearing ay isasagawa rin sa mga lalawigan ng Quirino, Isabela, Cagayan, at Batanes para mapakinggan ang mga hinaing ng bawat manggagawa.

Sa kabila nito, hiniling ng employer sector na mapanatili ang kasalukuyang minimum wage habang hinihintay na maging maayos ang presyo ng mga bilihin.

Sa kasalukuyan, nasa 500 ang minimum na sahod sa agricultural at non-agricultural sector habang 6,500 kada buwan sa mga kasambahay sa buong Cagayan Valley o Region 2.