NAGOYA — Naghatid ng panibagong makasaysayang tagumpay ang Pilipinas matapos masungkit nina Rebecca Cyril Torres, Samantha Veguillas at Ysabelle Arrogante ang bronze medal sa women’s team kata ng karate sa 20th Asian Games sa Toyohashi Gymnasium, Aichi-Nagoya noong Martes.
Tinalo ng Pinay trio ang Southeast Asian rival na Thailand, 4-1, para makuha ng Pilipinas ang kauna-unahang medalya sa team kata sa kasaysayan ng Asian Games.
Maagang rumatsada ang Filipinas nang walisin, 5-0, ang Cambodia sa quarterfinals, ngunit hindi nakaligtas sa malakas na Iran sa semifinals matapos mabigo, 0-5.
“Wala na kami inisip kung sino kalaban. Basta we claim sa amin ang bronze,” ani Arrogante.
Bunga ang medalya ng matagal na sakripisyo at matinding paghahanda ng tatlong atleta.
“It has been a long journey. Dami hirap ng mga teammates. Marami losses over the years, pero perform lang, laban lang hanggang dulo,” emosyonal na pahayag ni Torres.
Nadagdagan pa ang kanilang inspirasyon nang malaman isang araw bago ang laban na opisyal na nakapasok ang Pilipinas sa Karate World Cup sa Nobyembre sa Hangzhou, China.
“Na-inspire kami, kaya itutuloy pa namin ito, yung magandang resulta,” ani Arrogante.
Pinuri naman ni head coach Sonny Montalvo ang dedikasyon ng kanyang mga atleta, na pansamantalang lumayo sa kanilang mga pamilya at ipinagpaliban ang pag-aaral sa unibersidad upang makapagtuon sa ensayo.
Ipinagpasalamat din ng trio ang suporta ng kanilang mga coach at opisyal, partikular ang yumaong dating Karate Pilipinas president na si Pocholo Veguillas, ama ni kasalukuyang pangulo Richard Lim, na siyang Team Philippines chef de mission sa Asiad.
Ito na ang ikalawang sunod na bronze medal ng Pilipinas sa karate sa Asian Games, matapos ang bronze ni Junna Tsukii sa Jakarta noong 2018 at ni Sakura Alforte sa Hangzhou noong 2023.
Hindi naman nakasali si Alforte sa kasalukuyang Asiad dahil sa bagong panuntunan na nag-aatas sa lahat ng miyembro ng squad na lumahok sa team event.
“Big boost sa karate. Nakita natin magaling ang Pilipino, tiwala lang,” ani Lim. “Maka-inspire din ito sa delegation dito. Dami pa lalaban.” (POC Media Pool/HNT)
