Sa Nueva Ecija
2 senior citizen nabiktima ng scammer

Scam Alert

DALAWANG senior citizen ang sinasabing nabiktima ng scam sa Brgy. Sampaloc, bayan ng Pantabangan, lalawigan ng Nueva Ecija.

Ayon sa information office ng nabanggit na barangay, dalawang indibiduwal ang nagpakilalang tauhan ni Mayor Monaliza Agdipa at nagsabing may ipamamahaging ayuda.

Dahil dito, nakapasok ang mga suspek sa bahay ng mga biktima at nakuhaan ng larawan ang loob nito, pati na ang kanilang mga valid ID.

Matapos ang insidente, napag-alamang nawawala na ang pera sa wallet ng mga biktima at isang cellphone.

Pinaalalahanan ng barangay ang mga residente na huwag basta magpapapasok ng hindi kilalang tao sa kanilang tahanan at huwag magbigay ng personal na impormasyon o gamit sa mga hindi awtorisadong indibiduwal.

Inilinaw ni Mayor Agdipa sa isang Facebook post na hindi gawain ng kanyang tanggapan ang ganitong paraan ng pag-i-interview.

Nanawagan siyang agad i-report sa kinauukulan ang mga kahina-hinalang pangyayari sa kanilang lugar. (MICKA BAUTISTA)