ARESTADO ang tatlong hinihinalang mga tulak ng ilegal na droga sa isinagawang buybust operation ng mga awtoridad sa Brgy. Tangos, lungsod ng Baliwag, sa lalawigan ng Bulacan, nitong Linggo ng hapon, 2o Setyembre.
Ayon sa ulat ni P/Lt. Col. Eisbon Llamasares, acting chief of police ng Baliwag CPS, nagsagawa ng anti-illegal drugs operation ang Station Drug Enforcement Unit (SDEU) matapos makatanggap ng impormasyon hinggil sa ilegal na aktibidad ng mga suspek sa barangay.
Sa isinagawang buybust operation, naaresto ang tatlong suspek na kinilalang sina alyas Bokyo, 25 anyos; alyas Akang, 38 anyos; at alyas Dode, 34 anyos, pawang mga residente ng nabanggit na barangay.
Sa isinagawang operasyon, nakompiska mula sa mga suspek ang limang heat-sealed transparent plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu, kabilang ang isang sachet na ginamit bilang buybust item, gayundin ang buybust money.
Napag-alaman na ang tatlong naarestong suspek ay isinusuka na sa barangay dahil sa malawakan nilang pagbebenta ng ilegal na droga partikular sa mga kabataan.
Ang nakompiskang hinihinalang ilegal na droga ay may kabuuang timbang na 6.09 gramo at tinatayang nagkakahalaga ng P46,920.
Dinala sa Baliwag CPS ang mga suspek at ang mga nakompiskang ebidensiya para sa kaukulang dokumentasyon at disposisyon.
Isasailalim ang mga hinihinalang ilegal na droga sa laboratory examination at drug testing sa Bulacan Provincial Forensic Unit, habang isasailalim ang mga suspek sa physical at medico-legal examination.
Inihahanda ang kaukulang criminal complaint laban sa mga suspek sa paglabag sa Sections 5, 11, at 26, Article II ng RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. (MICKA BAUTISTA)
