KALUNOS-LUNOS ang sinapit ng isang 35-anyos babaeng accountant, nang bungguin ng jeep ang sinasakyang motorsiklo na minamaneho ng kapatid na lalaki sa Brgy. San Isidro, bayan ng Cainta, lalawigan ng Rizal, nitong Linggo, 20 Setyembre.
Ayon sa Cainta MPS, nakaangkas ang biktima sa motorsiklong minamaneho ng kaniyang kapatid na lalaki nang mabangga sila ng jeep dakong 6:50 ng gabi kamakalawa.
Dahil sa lakas ng pagbangga, tumilapon ang biktima at bumagsak sa tabi ng jeep saka siya nakaladkad nang halos 20 metro, habang ang kaniyang helmet ay kumalso sa unahang gulong nito.
Samantala, sugatan ang kapatid ng biktima ngunit nagawang tumayo at agad hinabol ang jeep nang makitang nakakaladkad ang kaniyang nakababatang kapatid na babae.
Agad dinala ang biktima sa pagamutan ngunit idineklarang dead on arrival.
Labis ang hinagpis ng kuya sa sinapit ng nakababatang kapatid. Malaking kawalan umano ang kapatid dahil siya ang nagsisilbing breadwinner ng pamilya.
Kita sa kuha ng CCTV na binabagtas ng motorsiklong sinasakyan ng magkapatid ang westbound lane ng Ortigas Avenue Extension patungong Junction nang biglang nagpalit ng linya ang jeep at nabangga ang kanilang motorsiklo malapit sa tawiran.
Dinakip ng pulisya ang 73-anyos driver ng jeep, na sinabing nawalan siya ng kontrol sa sasakyan dahil nasira ang preno nito.
Nahaharap ang driver sa kasong reckless imprudence resulting in homicide, physical injuries, and damage to property.
