SUGATAN ang isang rider matapos bumangga ang minamaneho niyang motorsiklo sa isang truck na nakapila sa labas ng isang container yard sa Tondo, lungsod ng Maynila.
Naganap ang insidente sa southbound lane ng Honorio Lopez Boulevard, sa harapan ng CY 7 PSACC Container Yard.
Kinilala ng pulisya ang rider na si Michael Ilaw, 33 anyos, residente sa Quiapo, sa nabanggit na lungsod.
Batay sa imbestigasyon at sa kuha ng CCTV na ipinakita sa pulisya, binabagtas ni Ilaw ang southbound lane ng Honorio Lopez Boulevard nang mabangga ng kaniyang motorsiklong Yamaha NMAX ang likurang kaliwang bahagi ng tractor-trailer na nakahinto at nakapila papasok ng container yard.
Dahil sa lakas ng pagbangga, tumilapon si Ilaw sa konkretong kalsada.
Dinala ang rider ng nagrespondeng ambulansiya sa Philippine General Hospital (PGH) para sa agarang atensiyong medikal.
Parehong napinsala ang motorsiklo at truck sa insidente ngunit walang inilabas na paunang halaga ng pinsala ang pulisya.
Humarap sa pulisya ang truck driver na kinilalang si alyas Rey, 52 anyos, residente sa lungsod ng Valenzuela, kasama ang kinatawan ng trucking company at mga kapatid ng rider.
Nagkasundo kalaunan ang mga sangkot na partido at pumirma sa kasunduan na kanilang isinumite sa pulisya.
