Sa Las Piñas City
P204-M shabu nasabat sa babaeng ‘tulak’ mula sa Pampanga

Shabu Prison

NASABAT ng Philippine National Police (PNP) ang nasa 30 kilo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P204 milyon mula sa isang babaeng ‘tulak’ sa buybust operation sa Las Piñas City nitong Sabado, 19 Setyembre.

Sa ulat na tinanggap ni Philippine National Police (PNP) chief PGen. Jose Melencio Nartatez, Jr., si alyas Girlie, 40 anyos, ng Lubao, Pampanga ay naaresto sa Block 3, Lot 4, Quebec St., Phase 2, Vera Ville Town House, BF International, Las Piñas City.

Ayon kay Nartatez, nagsagawa ng operasyon ang Special Operations Unit – NCR ng PNP Drug Enforcement Group (DEG), katuwang ang iba pang police units na nagresulta sa pagkakasabat ng 30 kilong hinihinalang methamphetamine hydrochloride o shabu, may estimated standard drug price na P204 milyon kay Girlie.

Nakipag-ugnayan ang mga operatiba sa Integrity Monitoring and Enforcement Group at Philippine Drug Enforcement Agency-NCR.

Naniniwala si Nartatez na malaking dagok sa ilegal na kalakalan ng droga ang pagkakasamsam sa malaking bulto ng hinihinalang shabu.

Tiniyak ng PNP chief, magpapatuloy ang mga operasyon laban sa mga sangkot sa pagbebenta at pamamahagi ng ilegal na droga.

Nasa kustodiya na ng Las Piñas City Police Station ang suspek habang ipinasa sa Forensic Group Southern Police District ang nakompiskang droga para sa laboratory examination.

Patuloy ang imbestigasyon upang matukoy ang pinagmulan ng droga at iba pang posibleng kasabwat.