Sa Quezon City
Kelot natagpuang patay sa loob ng van

QCPD Quezon City

PATULOY na nagsasagawa ng imbestigasyon ang mga tauhan ng Quezon City Police District (QCPD) kaugnay ng pagkakadiskubre sa isang lalaking wala nang buhay sa loob ng isang van sa Quezon City, nitong Sabado, 19 Setyembre.

Ayon sa mga awtoridad, natagpuan ang katawan ng isang lalakki sa loob ng isang kulay abong Starex van sa K-I St., Brgy. East Kamias, dakong 3:40 ng hapon, matapos mapansin ng may-ari ng sasakyan ang masangsang na amoy galing dito.

Agad humingi ng tulong ang may-ari sa pulisya, kaya agad nagresponde ang mga tauhan ng Anonas Police Station (PS9) at nagsagawa ng ocular investigation.

Ayon sa pulisya, nabatid na ang natagpuang lalaki ay walang tirahan at nakikitang pagala-gala sa lugar bago maganap ang insidente.

Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng QCPD upang matukoy ang pagkakakilanlan ng lalaki at ang mga sirkumstansiya kaugnay sa insidente.