TATLUMPU’T ISANG referee mula sa 17 Regional Football Associations (RFAs) sa Luzon, Visayas at Mindanao ang lumahok sa limang araw na FIFA MA Referees Course 2026 na nagtapos noong Setyembre 17 sa Rizal Memorial Stadium sa Maynila.
Pinangunahan ni FIFA Referee Instructor Farkhad Abdullaev ng Uzbekistan ang pagsasanay na binubuo ng classroom instruction, video technique sessions at aktuwal na pagsasanay sa pitch.
Layunin ng programa na higit pang itaas ang antas ng refereeing sa bansa at maiangkop ang mga lokal na referee sa mga bagong interpretasyon ng FIFA sa Laws of the Game.
Pinuri ni Philippine Football Federation (PFF) President John Gutierrez ang programa bilang bahagi ng pagsisikap ng pederasyon na higit pang gawing propesyonal ang football sa bansa.
“Ang referees ang gulugod ng maayos na kompetisyon. Ipinakikita ng ganitong mga kurso ang aming commitment na mabigyan sila ng mga kasanayan upang makapag-officiate nang may kumpiyansa at integridad,” ani Gutierrez.
Binigyang-diin naman ni PFF General Secretary Gelix Mercader ang malaking responsibilidad ng mga referee, lalo na sa kaligtasan at paghubog sa mga batang manlalaro.
“Ang inyong mga desisyon ay hindi lamang nakaaapekto sa laro kundi maging sa pag-unlad ng football sa bansa. Habang kayo ay nag-o-officiate, tinuturuan din ninyo ang ating mga manlalaro,” ani Mercader.
Nagpasalamat din si Mercader kay Abdullaev at sa Uzbekistan Football Association (UFA) sa posibilidad ng patuloy na pakikipagtulungan.
Sa limang araw na programa, tinalakay ang mga pagbabago sa Laws of the Game para sa 2026/27 season, gayundin ang Penalty Area Incidents (PAI), Challenges (CHA), Handball (HB), Tactical Fouls (TF) at Offside (OFS).
Kabilang din sa pagsasanay ang video analysis, practical sessions, fitness training at fitness test upang masukat ang teknikal at pisikal na kahandaan ng mga referee.
Sa huling araw, tinalakay ang match management bago isinagawa ang pagbubuod sa mga aral ng buong programa at pormal na closing ceremony.
Pinuri ni Abdullaev ang disiplina, dedikasyon at sigasig ng mga kalahok.
“Ang ganitong dedikasyon ay nagbibigay sa kanila ng malaking pagkakataong umangat at magkaroon ng positibong ambag sa Philippine football,” ani Abdullaev.
Samantala, ipinaalala ni PFF Referees Department Committee member Virgilio Imperial na ang tunay na pagsubok ay magsisimula pagbalik ng mga referee sa aktuwal na kompetisyon.
Ayon kay Imperial, kailangang maisalin sa laro ang mga natutunan sa kurso, lalo na sa mga sitwasyong mabilis ang kailangang desisyon, mataas ang pressure at pagod na ang mga opisyal.
Hinimok din niya ang mga referee na ibahagi ang kanilang natutunan sa kani-kanilang asosasyon, gabayan ang mga bagong opisyal at manatiling konektado para sa patuloy na pagre-review at pagbabahagi ng feedback.
“Ang tunay na halaga ng kursong ito ay hindi nasusukat sa certificate na dala ninyo, kundi sa inyong Return on Investment (ROI) sa pagbabalik ninyo sa pitch,” ani Imperial.
Tumulong sa programa bilang Referee Assessors sina Roberto Hernandez at Dennis Estaniel, habang si Ariel Montaña ang Fitness Instructor. Committee members sina Bayani Jose Abad at Imperial, at Referee Administration Manager naman si Mark Abel De Castro.
INAASAHAN ng PFF na maibabahagi ng mga bagong-trained referee sa kanilang mga rehiyon ang mga natutunan sa kurso upang higit pang mapalakas ang hanay ng mga kuwalipikado at FIFA-aligned match officials sa buong bansa. (PSC/HNT)
