NAPILITANG kanselahin ang pang-umagang face-to-face classes sa National University-Mall of Asia (NU-MOA) nang makatanggap ng bomb threat, sa Pasay City nitong Huwebes.
Agas isinailalim sa remote synchronous learning ang umagang klase at ibinalik sa face-to-face pagsapit ng 1:00 ng hapon.
Kinompirma ni Pasay City Police Station chief, PCol. Joselito De Sesto na negatibo sa kahit anong uri ng bomba ang campus base sa isinagawang clearing operation sa campus ng unibersidad.
Nagpasalamat ang pamunuan ng NU sa Pasay Police at Bureau of Fire Protection (BFP) sa isinagawang security inspection.
Sa ulat, nabatid na dakong 7:40 ng umaga, 3 Setyembre, nang i-report ang bomb threat sa nasabing eskuwelahan kaya agad nagresponde ang Explosive Ordnance Division/K9 personnel at iba pang tauhan ng Pasay CPS, at BFP sa Coral Way.
Kaugnay nito, nakipag-ugnayan na ang Pasay Police sa PNP Anti-Cybercrime Group para matukoy ang pagkakakilanlan ng nasa likod ng pagbabanta.
