ARESTADO ang anim katao, kabilang ang isang aktibong police master sergeant, dahil sa pagnanakaw at pagsunog ng mga kable ng PLDT sa Sampaloc, Maynila kamakalawa.
Kinilala ang mga suspek sa alyas na June, 42, aktibong pulis na nakatalaga sa Manila Police District (MPD) Sta. Mesa Police Station 8; Mitch, 33; Jay, 41; Angel, 29; Jess, 38; at Rey, 36, pawang residente sa Sampaloc, Maynila at nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 10515 o The Anti-Cable Television and Cable Internet Tapping Act of 2013.
Sa pahayag ng Sampaloc Police Station 4 ng MPD, dakong 2:05 ng madaling araw nang maaresto ang mga suspek sa Buenos Aires, malapit sa kanto ng Pelaez St.
Nagsimula ang operasyon matapos mag-viral ang CCTV footage na iniere ng TV5 “Frontline Pilipinas” na nagpapakita sa pagnanakaw ng PLDT cables sa Domingo Santiago St. corner Mindanao Ave.
Sa balidasyon ng pulisya, natukoy ang ilan sa mga suspek at tatlo sa kanila ang naaktohang sinusunog ang mga ninakaw na kable.
Kalaunan, itinuro ng mga naarestong suspek ang iba pa nilang kasabwat na agad din dinakip.
Sa beripikasyon ng MPD, nakompirmang isa sa anim na suspek ay aktibong pulis. Nakapiit na ang mga suspek at inihahanda ang kaukulang mga kaso.
