DUROG ang puso sa sobrang hinanakit ng aktres na si Katherine Luna dahil sa natanggap na kabila-kabilang bashing nang ilahad niya ang ukol sa kanyang mga anak.
Hindi napigilan ng sexy actress na maglabas ng sama ng loob sa social media dahil sa panghuhusga at pambabastos ng mga basher.
Masasakit at malilisyosong komento ang ibinato kay Katherine nang ilahad niya ang ukol sa kanyang walong anak mula sa anim na iba’t ibang lalaki.
Pahayag ni Katherine sa kanyang Facebook post, “Hindi naman talaga siguro dapat na magparami tayo ng anak, dahil nga, kulang o kapos tayo sa buhay. Wala tayong maibigay na magandang future.
“Pero eto nga, inilalaban ko ito para sa mga anak ko. Patuloy lang sa buhay. Labarn! Kasi ang iniipon ko ngayon, future nila..
“Ako po ay may walong anak. Walong anak sa anim na tatay po. Anim na ama! Isipin niyo, ‘Napakalandi nito, patol nang patol. Paanak nang paanak. Hindi nag-iisip,’” dire-diretsong pag-amin ni Katherine.
Sa isang video post naman ay nagsalita muli si Katherine para ipagtanggol ang sarili. Grabeng panghuhusga kasi ang natanggap niya mula sa netizens.
Aniya, “So, ito nga. Gusto ko lang naman kasi i-share talaga, kasi ang bigat-bigat na talaga ng loob ko.
“Kailangan kong i-voice out, kailangan kong i-share, kailangan kong ikuwento kasi parang sasabog na—pakiramdam na para akong sasabog—and hindi tama ’to. Lalo na sa sitwasyon ko, hindi tama ’to. So kailangan mailabas ko.
“Ganito lang nangyari. Kung maaalala n’yo ’yung post ko noong mga nakaraang araw, tungkol sa naging buhay ko, patungkol doon sa mga naging karelasyon ko, kung bakit umabot ng walo ang anak ko, tapos ano ’yung ama, o bakit humantong sa ganoon ang nangyari sa akin.
“Ngayon, ito, ’yung content ko na ’yon, ’yung post ko na ’yon, ginawang content ng iba (vloggers), tapos ‘yung mga kasamahan ko rito sa bahay, ng mga kaibigan ko, basahin ko raw (mga comments). Ang daming perfect na tao sa social media talaga.
“Okay lang sana kung manghusga kayo ng normal lang, hindi eh. Binastos n’yo na ‘yung buong pagkatao ko. Pati pangalan ko binastos n’yo at inihalintulad n’yo pa ako sa mga klase ng hayop, baboy, aso, pusa. Grabe kayo.”
Inamin naman ng sexy actress na may malu siya sa ginawa sa kanyang buhay. Nangingilid na ang luhang pagpapatuloy ni Kaherine, “Ako naman may mali rito, eh. Kasi nga ipinost ko ‘yung part na ‘yun ng buhay ko pero ang gusto ko lang naman kasi, kapulutan (aral) ng mga kababaihan ‘yung story ko. ‘Yung huwag magpadalos-dalos, matuto tayong mahalin at pahalagahan ang sarili natin at bilang babae.
“Hindi ko naman sinabing proud ako sa naging buhay-pag-ibig ko, proud ako dahil sa mga anak ko,” giit ni Katherine.
“Halos lahat naman ng mga anak ko ay nabuo dahil sa pagmamahal. Nagmahal lang ako nang paulit-ulit,” sabi pa.
“Hindi ko naman masisi ’yung sarili ko kung bakit ganoon ’yung utak ko, kasi nga isang pangyayaring dumating sa punto na mayroon akong kasabayang magbuntis. ’Yung dating kong kasama, pinagsabay kami.
“Hindi lang yata kami dalawa, tatlo pa o apat, tapos may kasabayan akong magbuntis. Masaklap, ’di ba? Masaklap talaga nangyari sa buhay ko.
“Dumarating din sa punto na susuko ka na lang sa relasyon namin. Dumarating sa puntong, dahil naubusan na ako ng pagpapahalaga, o naubusan na ako ng pagmamahal para sa sarili ko, feeling ko wala na rin akong kuwenta.
“Kaya nagde-decide na lang na, kung hindi ako hiwalayan, ako na umiiwas, ako na nang-iiwan. At mayroon namang pagkakataon na, ’yun nga, tulad ng sinabi ko, dahil sa kahirapan, kailangan kong i-give up ’yung relasyon dahil kailangan.
“Mas pinipili ko na lang kasing sumuko minsan, lalo na kapag may mga sakitan na nagaganap, may bugbugan na, nasasaktan na ako, nakikita na ng mga bata. Kahit gaano ko pa kamahal, mas pinipili ko talagang kumalas na,” dire-diretsong pahayag pa ni Katherine.
“Kaya medyo mabigat sa akin kasi nga, hindi n’yo lang ako hinusgahan, binastos n’yo pa ako. Binastos n’yo pa ako nang buong-buo.
“Sabi nga, eh, huwag n’yo munang durugin ang isang tao hangga’t hindi n’yo naman alam ’yung story niya. Huwag n’yong durugin ang isang tao hangga’t hindi n’yo nasuot ang sapatos niya, ’di ba? At huwag n’yong durugin ang isang tao hangga’t hindi n’yo nararanasan kung ano ’yung buhay niya,” pangangatwiran pa ng sexy aktres.
Aminado naman si Katherine sa kanyang kamalian. Aniyapa, “Alam kong mali ko rin ’yun, dahil nga ipinost ko ’to, hindi ako nag-isip. So mali ako. Mali na naman ako. Mali na naman ako.
“Medyo gumaan-gaan din naman ang loob ko noong nabasa ko naman ’tong mga comment na ’to, parang sila na rin nagpapaliwanag para sa side ko at na-appreciate ko ’yun.”
At bagamat nasaktan, nagpapasalamat pa rin si Katherine na may nagpapagalaga rin sa ginawa niya. “Kaya naman sobra-sobra talaga akong nagpapasalamat sa inyo. Kasi naman marami pang tao katulad n’yo.
“’Yun lang, ’di ba? Huwag tayo agad-agad humusga ng tao hangga’t hindi naman natin napagdaanan ’yung buhay na napagdaanan niya.
Hindi ko ike-claim na malaking pagkakamali na nagawa ko sa buhay magkaroon ako ng walong anak. Hindi.
“Nagmahal lang naman ako, ’di ba? Sinubukan ko lang naman magmahal. Ibinuhos ko lang kasi ’yung pagmamahal, nang paulit-ulit, oo, na, ’di ba? Okay lang, tawagin n’yo akong tanga, tawagin n’yo akong boba, pero ’yung bastusin n’yo ko, hindi naman katanggap-tanggap ’yon.
“Matapos itong bigat na nararamdaman ko, ang bigat… ’yung akala mo na maganda ’yung motibo mo sa pag-post mo nito, ’yun, ’yung parang mamaliin ’yan ng ibang tao.
“Choice naman talaga nila ’yun. Choice lang natin husgahan ang tao. At siguro nga, doon lang kayo masaya.
“Kapag marami nang namba-bash sa iyo, para bang…durog na durog ka. Siguro pagkakamali ko lang talaga, kaya feeling ko, kung hindi naman ganoon katatag siguro talaga ’yung loob mo, mas mabuti, piliin mo kung ano ’yung ipo-post mo, ’yung mga isi-share mong kuwento,” sabi pa ng aktres.
Sa huli tiniyak ni Katherine na hindi na siya nagpapa-apekto sa mga nangyayari, “Temporary lang ’to. Okay din ako. Katulad nga ng sabi ko palagi, daraan talaga tayo sa mga ganitong sitwasyon, dadaan talaga tayo sa mga ganitong bagay.
“Pero dapat huwag nating hayaang lamunin tayo ng nararamdaman natin, lamunin tayo ng lungkot natin. Okay lang lumaban.” (MValdez)
