ni Allan Sancon
MAY mga pelikulang pinapanood para maaliw, pero may mga pelikula ring matapos mapanood ay masasabi mong, ibang klase.
Ito ang nasambit namin matapos mapanood ang Saving Cherry. “Ibang Barbie Forteza ito!” Na pinagbibidahan ni Barbie Forteza bilang Cherry. Sa direksiyon ni Ivan Payawal.
Mabilis ang takbo ng kuwento, maayos ang pagkakahanay ng mga eksena at kapansin-pansin ang mahusay na pagkakabuo ng istorya. Palabas na ngayon ang pelikula sa mga sinehan nationwide.
Pero higit sa lahat, si Barbie ang tunay na nagdala ng pelikula. Todo-bigay siya sa pag-arte bilang Cherry—mula sa pagiging loka-loka, pagpapatawa at pagiging emosyonal hanggang sa mga eksenang kailangan niyang ipakita ang sakit ng isang babaeng dumaraan sa magulong sitwasyon.
Mas daring din ang karakter niya rito, kaya hindi siya nag-atubiling ipakita ang mas mapangahas at mas sensual na bahagi ng kanyang pagganap.
Hindi na rin itinago ni Barbie ang pasasalamat sa pelikula at sa mga taong nagtiwala sa kanya.
Aniya, “Salamat sa pelikulang ito at ginawa ninyo ako sexy star dito.”
Malinaw na malaking hakbang para sa aktres ang papel ni Cherry dahil bukod sa drama at comedy, kinailangan din niyang yakapin ang mas mature at mas mapangahas na atake sa karakter.
At kung pag-uusapan ang pagpapatawa, winner si Barbie! May ilang eksena na literal kang mapapailing at mapapatawa ng malakas dahil sa timing at facial expressions niya. Isa sa pinakaaabangang eksenang nahuli ni Cherry ang kanyang asawa na nakikipaglampungan sa ibang babae.
Sa halip na puro drama, nagawa ng pelikula na gawing kakatawanan ang isang sitwasyong dapat ay masakit—at malaking bahagi nito ang husay ni Barbie sa comedy.
May dagdag na bigat at kulay din ang pagganap ni Joey Marquez bilang tatay ni Barbie sa pelikula. Sa kanyang natural na timing at beteranong pag-arte, naghatid siya ng mga eksenang may halong katatawanan, pangaral, at emosyon. Kapansin-pansin ang chemistry nila ni Barbie bilang mag-ama, lalo na sa mga tagpong kailangang ipakita ang pag-aalala, pagprotekta at minsan ay hindi pagkakaunawaan sa loob ng pamilya.
Malaking factor din sa pelikula ang barkadahan nina Cherry, Beth, Jewel at kanilang mga kaibigan, na ginampanan nina Mikee Quintos, Mika Salamanca, Sassa Gurl, at AC Bonifacio. Aliw ang chemistry ng grupo dahil bawat isa ay may sariling personalidad at kulay. Si Mikee bilang Beth ay kapansin-pansin, lalo na sa kanyang tinatawag na “pa-washing machine” moment na tiyak magpapatawa sa audience.
Maganda rin ang pagganap ni Mika bilang Jewel, na may pagka-mahalay at sariling charm. Si AC naman ay bagay sa kanyang mas demure na karakter, habang si Sassa Gurl ay tila nasa natural niyang elemento—ang magpatawa. Hindi pilit ang dating ng kanilang mga eksena at malaking tulong ang kanilang comedic timing na barkadahan.
Hindi rin dapat maliitin ang kontribusyon nina Than Perez, JC Alcantara, at Kokoy de Santos, na nagbigay ng dagdag kulay at tensyon sa kuwento. Mahalaga ang karakter ni Than bilang ex-boyfriend ni Cherry, habang sina JC at Kokoy ay nagdagdag ng interesting dynamics sa mga pangyayari.
Siyempre, hindi rin matatawaran ang performance ni Khalil Ramos bilang ka-love team ni Barbie. Mahusay niyang nilaro ang kanyang karakter dahil hindi mo agad malalaman kung maaawa ka ba sa kanya o maiinis.
Sa kabuuan, ang Saving Cherry ay pelikulang bagay panoorin kasama ang barkada dahil maraming eksenang madaling pag-usapan at pagtawanan pagkatapos ng sine. Lalo itong tatama sa mga babaeng nakaranas pagtaksilan ng jowa o asawa, habang ang mas daring na pagganap ni Barbie bilang Cherry ang tiyak pag-uusapan.
Sa pag-arte ni Joey bilang tatay ni Barbie at sa all-out na pagganap ng bida, Saving Cherry ang pelikulang dapat panoorin ngayon sa mga sinehan nationwide.
