FIRING LINE
ni Robert B. Roque, Jr.
SA MGA nakaraang araw ng pagbabalita tungkol sa baha sa Metro Manila at siyam na lalawigan sa Luzon, may eksenang paulit-ulit nating nakita: reporter na hanggang tuhod o baywang sa baha, hawak ang mikropono, habang pilit na inihahatid ang live report sa gitna ng habagat.
Napansin ito ng social media. Napansin ko rin.
Bilang matagal na nagturo ng journalism sa UST, napaisip ako: Kailan naging requirement sa trabaho ang lumusong sa baha para lang mapatunayan na talagang may baha?
Nagsimula ako sa police beat, kaya alam ko ang halaga ng reporter na hindi takot lumapit sa kuwento. May kasamahan pa nga akong minsang lumangoy sa Manila Bay para maranasan mismo ang kati at panganib na kanyang iniuulat. Iyan ang immersion.
Pero ibang usapan ang immersion sa paglalagay ng sarili sa peligro. At sa TV news ngayon, tila lumalabo na ang hangganan.
May isang journalist na nagtanong online: Sa paghahabol sa mas magandang kuha o mas mataas na ratings, gumagawa na ba ng panganib ang newsroom sa halip na nagdodokumento ng mga pangyayari?
Magandang tanong.
Sa bawat newsroom na pinasukan ko, may isang tuntuning hindi na kailangang sabihin dahil dapat likas na itong nauunawaan: walang kuwentong katumbas ng buhay ng reporter. Safety first bago magandang shot.
Dahil ang mahalaga ay ang kuwento, hindi ang reporter na kailangang magbuwis ng buhay para maging magandang footage ang kuwento.
At tutal, hindi naman tayo kapos sa larawan. Ang mga residente mismo ay nagpo-post mula sa loob ng baha. Nakukuha na ng TV crews ang rumaragasang tubig, pinsala at takot. Naririnig na natin ang boses ng mga taong ilang oras o araw nang stranded.
Kapag naipakita na ang panganib, ano pa ang naidaragdag ng reporter na lulubog sa parehong tubig?
Mas maraming impormasyon? Hindi.
Mas maraming katotohanan? Hindi rin.
Mas maraming drama? Ayun.
Hindi ko sinisisi ang mga batang reporter na gustong patunayan ang sarili sa unang deployment. Ganoon talaga kapag bata at sabik. Kahanga-hanga ang tapang nila.
Hindi ko rin huhusgahan ang beteranang anchor na napaiyak habang nag-uulat mula sa isang komunidad sa Bulacan na ilang dekada nang nilulunod ng baha. Ang reaksiyon niyang tila pagkasuklam ay hindi kawalan ng propesyonalismo. Tao lang siya. At ang pagiging tao sa harap ng kamera ay hindi dapat katatawanan.
Ang tanong ay para sa mga newsroom manager: Nasaan na ang dating simpleng tuntunin — walang kuwento ang katumbas ng buhay ng mamamahayag?
Hindi ba dapat alam ninyo kung kailan sapat na ang kuwento?
Iuwi ang reporter. Buhay. Ligtas. Handa para sa susunod na assignment.
Kailangan natin sila bukas, hindi nagpapagaling sa ospital dahil sa kuhang sana’y hindi naman kailangang makuha.
Hindi iyon kahinaan.
Iyon ang pamamahayag na ginawa nang tama.
* * *
SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa [email protected] o mag-post sa @Side_View sa X app (dating Twitter).
