Mahigpit sa rules si Chiz, pero may puso…

Aksyon Agad Almar Danguilan

AKSYON AGAD
ni Almar Danguilan

MABIGAT ang isang impeachment trial. Mahahaba ang mga hearing, teknikal ang mga argumento, at bawat pahayag ng prosecution, defense, at senator-judges ay maaaring magkaroon ng epekto sa takbo ng kaso. Pero sa gitna ng lahat ng legal na usapin, may isang bagay na madaling hindi mapansin. Tao rin ang bawat isa sa loob ng impeachment court.

Makikita ito sa ilang maliliit ngunit kapansin-pansing eksena sa pamumuno ni Presiding Officer Chiz Escudero.

Nang magkaroon ng problema si Senator Pia Cayetano sa monitor na ginagamit sa proceedings, agad itong ipinasuri at ipinagawa ni Chiz. Nang mapag-usapan naman ni Senator Raffy Tulfo ang bell na ginagamit sa pagbabantay ng oras ng mga senator-judge, nagawa rin magaan ni Chiz ang sandali nang banggitin niya mismo ang pangalan ng bell-ringer.

“The name of the bell-ringer is Anika.”

Napatawa niya ang mga nasa impeachment court at kahit saglit ay nabawasan ang bigat ng proceedings.

May ganito rin approach si Chiz sa pakikitungo sa mga abogado. Kapag kinakailangan niyang maging firm, ginagawa niya ito nang hindi kailangan maging personal o mapanakit. Sa usapin ng social-media comments ni Atty. Armando Ligutan, halimbawa, pinaalalahanan niya ang House Prosecution counsel na may responsibilidad pa rin siya bilang abogado, kahit ginawa ang naturang post sa kapasidad niya bilang guro.

May mga pagkakataon din, mas simple ang konsiderasyon. Tulad ng pagpapaupo sa abogadong matagal nang nakatayo, pagbibigay-pansin sa counsel na namamaos, at pag-accommodate sa pangangailangan ng witnesses at lawyers para sa tubig o salabat.

Maaaring maliliit na bagay ang mga nabanggit, pero ipinapakita nito ang isang bahagi ng impeachment proceedings na hindi agad makikita sa transcripts o sa palitan ng mga legal na argumento.

Sa likod ng prosecution at defense ay may mga abogado at staff. Sa likod ng 21 senator-judges ay mga taong ilang oras din nakaupo at nakikinig. May secretariat na nag-aasikaso ng records at dokumento, court personnel na tumitiyak sa maayos na takbo ng proceedings, at mga witness na maaaring matagal na naghihintay bago matawag.

Kaya ang trabaho ng Presiding Officer ay hindi lamang tungkol sa pagdedesisyon sa objections o pagpapatupad ng rules. Kasama rin dito ang pamamahala sa isang institusyong binubuo ng maraming tao na kailangang manatiling maayos ang trabaho sa kabila ng pressure ng isang impeachment trial.

At marahil, dito makikita ang mas tahimik na bahagi ng trabaho ni Presiding Officer Chiz Escudero. Mahigpit siya sa rules kapag kinakailangan, pero hindi niya nakakalimutan na ang mga nasa loob ng impeachment court ay tao rin na kailangang itrato nang may respeto at malasakit.