Sa raket na ‘slot for sale’
High-ranking officials inginuso ng arestadong tauhan ng BFP

ni MICKA BAUTISTA

INIIMBESTIGAHAN ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang matataas na opisyal ng Bureau of Fire Protection (BFP) na isinasangkot ng isang naarestong tauhan sa isang ‘slot-for-sale’ recruitment scheme na humihingi ng hanggang P500,000 mula sa mga aplikante.

Sinabi ni CIDG Regional Office 3 chief P/Col. Grant Gollod, ‘ikinanta’ ng suspek ang matataas na opisyal ng BFP bilang mga kasabwat, na nag-udyok sa mga imbestigador na palawakin ang kanilang imbestigasyon.

Ang suspek, isang aktibong tauhan ng BFP, ay naaresto sa isang entrapment operation sa isang parking area sa Barangay Maimpis, sa lungsod ng San Fernando, sa lalawigan ng Pampanga, nitong Lunes, 24 Agosto.

Ani Gollod, kinilala ang mga prospect na biktima sa pamamagitan ng kanilang mga pangalan na lumalabas sa mga post ng BFP sa Facebook at pagkatapos ay nakikipag-ugnayan sa pamamagitan ng isang pekeng social media account.

Una nang iniulat ng nagrereklamo ang sinasabing iskema sa BFP sa Zambales, na agad nai-refer sa CIDG at humantong sa entrapment operation.

Sa isang naunang pakikipagkita sa nagreklamo, napag-alamang ipinakita ng suspek ang kanyang BFP identification card at sinabing dati na niyang naibenta ang mga recruitment slot sa mga aplikante sa ibang rehiyon.

Sinabing humingi ang suspek ng P500,000 kapalit ng pag-secure ng pagpasok ng nagrereklamo sa BFP.

Nang sabihin ng aplikante na hindi kayang bayaran ang halaga, ibinaba ang demand sa P300,000.

Sinabi ni Gollod, natuklasan din ng mga imbestigador ang apat na nakaraang transaksiyon kung saan nagbayad ang mga aplikante ng P100,000 bawat isa para makuha ang mga posisyon sa BFP.

Aniya, ang mga itinuturong kasabwat ng suspek ay gumanap ng mahalagang papel sa pagproseso o pag-aayos ng mga dokumento sa recruitment.

Inaasahang mahaharap ang suspek sa mga kasong pagnanakaw at pangingikil kaugnay ng Cybercrime Prevention Act, habang ang mga kasabwat ay maaaring maharap sa mga katulad na kaso.