HINDI nakaligtas sa kamatayan ang anim na katutubong Aeta habang tatlo ang nananatiling nawawala nang tumabob at lumubog ang sinasakyan nilang bangkang de motor sa lawa ng Mapanuepe, sa Barangay Buhawen, bayan ng San Marcelino, lalawigan ng Zambales, nitong Huwebes ng hapon, 27 Agosto.
Ayon kay Zambales PPO provincial director P/Col. Benjamin Ariola, iniulat ang insidente sa kanilang tanggapan dakong 2:00 ng hapon, at agad naglunsad ng search, rescue, and retrieval operations ang mga tauhan ng San Marcelino MPS, 2nd Provincial Mobile Force Company, MDRRMO at Bureau of Fire Protection.
Nakaligtas ang apat na pasahero, kabilang ang operator ng bangka.
Kinilala ang mga biktimang sina Elvie Pabalan, Joanavie Mae Pabalan, Sally Dela Cruz, 2-anyos na si Prince Lenard Dela Cruz, Evelyn Lagman, at 2-anyos na si Cedric Liwanag, pawang namatay.
Samantala, patuloy na pinaghahanap ang tatlong nawawalang mga pasahero, kinilalang sina Arlene Liwanag, 26 anyos, na naiulat na buntis; Andrea Dela Cruz, 5 anyos; at Angelito Liwanag, 12 anyos.
Natukoy na lahat ng 13 pasahero ng bangkay ay pawang mga katutubong Aeta at mga residente sa Sitio Lumibao, Barangay Sta. Fe, sa nabanggit na bayan.
Pauwi ang mga bitkima sa Sitio Lumibao mula sa Buhawen Proper kung saan sila binakunahan at dumalo sa pulong para sa 4Ps.
Lumabas sa paunang imbestigasyon na tumaob ang bangka habang tumatawid ng lawa dahil ito ay overloaded.
Dinala ang mga narekober na katawan sa Fama Funeral para sa kaukulang disposisyon.
Pansamantalang inihinto ang search and retrieval operations dakong 6:45 ng gabi dahil sa sama ng panahon at nakatakdang ipagpatuloy ngayong araw kung gaganda ang panahon.
Nananatiling nasa kustodiya ng pulisya ang operator ng bangka na maaaring masampahan ng kasong reckless imprudence resulting in multiple homicide.
