NAGDULOT ng panibagong dagok sa kalakalan ng ilegal na droga ang ikinasang anti-illegal drug operation na humantong sa pagkakaaresto sa isang lalaking nakatalang high value individual (HVI) at dalawa pang suspek sa lungsod ng Mabalacat, lalawigan ng Pampanga, nitong Miyerkoles, 26 Agosto.
Sa ulat na ipinadala kay P/BGen. Jess Mendez, regional director ng PRO3, naganap ang operasyon sa The Sharp Clarkhills, sa Macapagal Village matapos baguhin ng target sa operasyon ang napagkasunduang tagpuan sa huling minuto mula sa Friendship Gate, Barangay Anunas, sa lungsod ng Angeles, sa nabanggit na lalawigan.
Sa kabila nito, mabilis na nakapag-adjust ang mga operatiba sa pagbabago at tumuloy sa bagong lokasyon, kung saan isinagawa ang transaksiyon dakong 3:30 ng hapon kamakalawa.
Arestado sa operasyon ang tatlong suspek na kinilalang sina alyas Jonel, residente sa Barangay Pulung Cacutud, Angeles; alyas Holly at alyas Henesy, kapwa residente sa lungsod ng Mabalacat.
Samantala, nananatiling nakalalaya ang ikaapat na suspek na kinilalang si alyas Lee, 31 anyos, isang Korean national.
Nakompiska mula sa mga suspek ang hinihinalang mga tableta ng ecstasy, ketamine, marijuana vape cartridges, KPODS na naglalaman ng hinihinalang liquid ketamine, at isang bote ng hinihinalang “Happy Water”.
Tinatayang nagkakahalaga ng kabuuang P2,290,000 ang mga nasabat na ilegal na droga.
Pinangunahan ang operasyon ng Angeles CPO PS4, na may suporta mula sa CIU-ACPO, CDEU-ACPO, RID-RSOG, RDEU 3, Mabalacat CPS, Pampanga PPO, at RIU 3.
Dinala ang mga naarestong suspek at ang mga nakuhang ebidensiya sa Angeles CPO – PS4 para sa dokumentasyon at tamang disposisyon, habang inihahanda ang kaukulang kasong paglabag sa RA 9165.
Samantala, nagpapatuloy ang follow-up operations para mahanap ang natitirang suspek at matukoy ang iba pang personalidad na maaring maiugnay sa aktibidad ng ilegal na droga. (MICKA BAUTISTA)
