Papel ni Richard Quan sa seryeng “Sigabo” ni Coco Martin, misteryoso pa

ALAM MO NA!
ni Nonie Nicasio

TWO months ago, nakahuntahan namin ang versatile na aktor na si Richard Quan. Dito ay napag-usapan namin ang kanilangbagong seryeng “Sigabo” na pinagbibidahan ng Hari ng Aksiyon sa Ating Henerasyon na si Coco Martin, with Julia Montes.

Ayon kay Richard that time, hindi pa raw niya puwedeng i-reveal ang character niya sa serye dahil nagsisimula pa lamang ito at hindi pa raw agad papasok ang character niya rito.   

Nang muli kaming nagkabalitaan recently, tinanong namin ang aktor kung ano na ang puwede niyang ikuwento pagdating sa ginagampanang papel sa seryeng Sigabo?

Pahayag ni Richard, “Sa ngayon, medyo mysterious pa ‘yung character ko as Arturo Lucero. Although mayroon nang hint na malalim ang involvement niya sa pamilya ng sindikato ng mga Zafra.”

Inusisa rin namin siya kung ano ang mga pasabog na kaabang-abang dito sa mga susunod na araw o linggo? 

“Maraming pasabog dito, like iyong mas malaking conflict ng pamilya Zafra at Jacinto…

“Pati na iyong mga action scenes na mas malalaki, iyong training ni Gabo (Coco Martin), 

at kung paano niya gagamitin sa laban ang kanyang mga new skills.”

Pahabol pa ni Richard, “Plus, kaabang-abang din dito ‘yung cute na love angle nina direk Coco at Julia Montes… at marami pang twist and turns sa takbo ng story.” 

Sa tagal na niya sa mundo ng showbiz, may dream pa ba siyang proyekto na wish niyang magawa?

Pahayag ng award winning veteran actor “Well, iyong project na mayroong isang character na pagdaraanan iyong mga social issues na mayroon tayo ngayon…”

Ano pa ang masasabi niyang challenging na role para sa kanya?

“Masasabi kong sa estado at edad ko ngayon, as much as possible ay iyong role na mayroong social relevance iyong mga character at project na sinasamahan ko sana.”

Since active siya both sa TV at movies, saan kaya sa palagay niya mas satisfying, lalo na pagdating sa TF o talent fee?

“Pareho lang naman, mayroong pros and cons ito pareho. Pati talent fees ay same lang din halos,” nakangiting paliwanag niya.

Kapag may dumarating na project sa kanya, pang-ilan sa consideration ang tungkol sa talent fee?

Tugon ng aktor, “Depende sa main objective ng project, kasi alam naman natin na business pa rin ang industry at halos lahat ng project – ginagawa to make money. 

“Pero minsan, mayroong mga advocacy and/or passion project – eto ‘yung mga times na nag-a-adjust ako ng TF.

“In fact, ngayon ay ini-open ko ulit ang sarili ko sa mga student project, regardless of TF. Kumbaga, my way of giving back sa industry ito,” seryosong sambit pa ni Richard.

Anyway, ang action-drama serye na Sigabo ay napapanood sa TV5 tuwing 8:00 p.m., kasabay ng pag-ere nito sa ALLTV2, A2Z, Kapamilya Channel, Kapamilya Online Live sa YouTube at Facebook, at iWant.