Special screening ng “Dear You” matagumpay, mapapanood na ngayon sa mga sinehan

Dear You

ALAM MO NA!
ni Nonie Nicasio

MATAGUMPAY ang ginanap na special screening ng award-winning Chinese film na “Dear You” last Saturday sa SM North EDSA. Ito ay hatid ng Anvil Business Club at ng Federation of Filipino-Chinese Chamber of Commerce and Industry, Inc. (FFCCCII).

Ang FFCCCII ay pinamumunuan ng president nitong si Mr. Victor Lim, samantala si Mr. William Lim, Jr., naman ang president ng Anvil Business Club.

Kahit masama ang panahon ay maraming dumalo sa nasabing event at in full force talaga rito ang maraming Tsinoy, pati na rin ang mga Pinoy na talaga namang makare-relate sa pelikulang ito.

Ang director nitong si Lan Hongchun ay gumugol ng tatlong taon para sa pagsasaliksik ng pelikula. Kinapanayam niya ang halos 300 overseas Chinese families across Southeast Asia, the Americas, at sa Europe.

Tampok sa pelikula sina Zheng Runqi, Li Sitong, Wang Yantong, Wu Shaoqing, Wang Xiaohui, at ang Thai actor na si Usha Seamkhum.

Makikita rito ang isang lalaking baon sa utang, na ginampanan ni Zheng, na mula Tsina ay pumuntang Thailand para hanapin ang kanyang matagal nang nawawalang lolo, na ipinagpapalagay niyang isang milyonaryo na kaya makatutulong sa kanyang problema sa pera. 

Sa pamamagitan ng lumang ‘qiaopi’ o remittance letters (sulat na may kasamang pera) na minsang ginamit ng mga migranteng Tsino upang makipag-ugnayan sa kanilang mga pamilya, natuklasan niya ang lihim na katotohanan tungkol sa kanyang lolo. Dito’y nalaman niya ang mga paghihirap, sakripisyo, at dedikasyon ng mga naunang henerasyon ng mga Tsino sa ibang bansa.

Makare-relate ang maraming Filipino sa pelikulang ito, lalo na ang mga naging OFW o may kamag-anak na OFW. Dahil ang main character dito na isang Chinese na nagtrabaho sa Thailand ay sobrang sipag at laging ang kapakanan ng kanyang pamilya sa China ang nasa isip niya. Parang tulad din ng mga Pinoy na nagtatrabaho sa iba’t ibang sulok ng mundo, na lahat nang pagtitiis at sakripisyo ay handang gawin para sa kanilang mga mahal sa buhay sa ‘Pinas.

Ang pelikulang Dear You ay palabas na ngayon sa mga sinehan.