ALAM MO NA!
ni Nonie Nicasio
ANG bagets na singer na si Jam Leviste ay inilunsad ang kanyang dalawang single na pinamagatang “Awit ng Puso” at “NASSA” (Nawala Ako Sa Sarili).
Ang dalawang awitin ay parehong isinulat ng award-winning composer na si Vehnee Saturno.
Ayon kay Jam, “Ang Awit ng Puso po, it’s about love. Pero hindi lang po ito sa pagmamahal sa isang tao, pero sa lahat ng bagay po. Like sa career mo, dreams mo, family… lahat po. Iyong NASSA naman po, it’s like nag-i-inspire ka sa isang tao, halimbawa sa crush mo, mahal mo, ganoon po.”
Aminado si Jam na naranasan na rin niya na parang nawawala siya sa kanyang sarili. Dahil ba iyan sa kanyang crush?
Nakatawang tugon ni Jam, “Hindi po, dahil po sa pag-aaral po.”
“Minsan po kasi, ang academics at pagso-showbiz ay nagsasabay po sa schedules. So, mostly ang nangyayari po, sometimes ay may struggles pero nagagawan naman po ng solutions,” pakli pa ng talented na bagets.
Si Jam ay mina-manage ng katoto sa panulat na si Audie See. Ang 15-year old na dalagita ay tubong Malolos, Bulacan at kasalukuyang Grade 9 student sa Stella Maris Academy.
Si Adele ang paborito niyang foreign singer, at si Janine Berdin naman, na itinanghal na Grand Champion sa Season 2 ng Tawag ng Tanghalan ng It’s Showtime, ang paborito niyang local singer.
Ang music video ng NASSA ay mula sa direksiyon ng US based award-winning international filmmaker na si Kenneth Anderson, na kapatid ni Gerald Anderson.
Only child si Jam ng mahal niyang parents na sina Engr. Mario at Mariciel Andaya. Nagbigay siya ng message sa kanyang mga magulang at fans.
“Sobrang saya ko po, kasi kahit anong bagay po ang ginagawa ko ay suportadong-suportado po sila (parents) at sana po ay makabawi rin po ako sa kanila kapag lumaki na po ako. Na sana po one day, ako naman po ang makabawi sa lahat ng kanilang mga paghihirap.
“Sa fans po, sobrang supportive po talaga sila, pati po friends, family, lahat po sila ay suportadong-suportado ako, kaya po labis akong nagpapasalamat sa kanilang lahat.”
Sa second year niya sa showbiz, ano ang wish niyang mangyari sa kanyang showbiz career?
“Na maging successful po ang career ko, na mas marami pa po sanang darating na mga project sa akin, that’s all po,” nakangiting sambit pa niya.
Nagsilbing host ng nasabing launching si Anasity, samantala ang naging director ay si Obette Serrano.
