HINDI nakaligtassa kamatayan ang walo katao na kinompirama ng panahalaan habang tatlo katao pa ang nawawala nang matabunan ng gumuhong bundok ang tatlong bahay dahil sa patuloy na pagbuhos ng ulan sa Riverside, Purok 2, Barangay Guisad Surong, Baguio City, kamakalawa ng gabi.
Sa ulat na tinanggap ni Baguio City Mayor Benjamin Magalong mula kay Baguio City Police Director P/Col. Ruel Tagel, dakong 5:35 ng hapon nitong Lunes, nang maganap ang landslide at 13 katao ang natabunan ng lupa mula sa tatlong bahay.
Sampu sa 13 katao ang narekober ng search and rescue team hanggang kagabi.
Isa ang namatay sa ospital mula sa tatlo kataong nasagip.
Bukod dito, pito ang bangkay na nakuha sa landslide site kabilang ang 2-anyos paslit na babae, isang lalaki, at isang babaeng parehong adult.
Magkakasunod na natagpuan ang mga biktima sa landslide site kahapon dakong 2:30 ng hapon, 5:30 ng hapon, at 6:00 ng gabi.
Kabilang sa mga namatay ang isang 17-anyos babaeng estudyante, 9-anyos lalaking estudyante, 9-anyos estudyanteng babae at isang 56-anyos na lalaki.
Ang tatlong nasagip ay isang babae at isang lalaking parehong 27-anyos; at isang Pastor na 77 anyos. Patuloy na hinahanap ang dalawang babae at isang lalaki na pawang adult.
Sa pagkamatay ng walo katao sa landslide sa Baguio, pumalo na sa kabuuang 19 katao ang patay, 13 ang sugatan at 6 ang nawawala sa malalakas na pag-ulan at pagbaha dulot ng habagat sa bansa, ayon sa pinagsamang ulat ng mga opisyal.
Sa Region 1, isa ang nakoryente sa La Union; isa ang nalunod sa Alaminos, Pangasinan. Dalawa ang biktimang namatay sa landslide sa La Trinidad, Benguet.
Sa CALABARZON, tatlo ang patay sa Batangas (nalunod, nakoryente, nadaganan sa landslide) habang dalawa pa ang patay sa rockslide sa Rodriguez, Rizal; isa sa Binangonan ang nalunod; at isa sa Antipolo ang nadaganan ng punongkahoy. Nasa 13 katao ang sugatan mula Benguet, Rizal, at Cavite.
Iniulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), nasa 223,000 pamilya o 752,000 katao sa Region 1, II, III, V, VI, IX, CAR, MIMAROPA at CALABARZON ang naapektohan ng habagat. Sa nasabing bilang, 10,000 pamilya o 34,400 katao ang ikinakanlong sa 412 evacuation sites.
Tinatayang 300 kabahayan ang napinsala (276 bahagya, 24 tuluyang nawasak) habang nasa P1.12 bilyon ang nasira sa impraestruktura at P3.53 bilyon sa agrikultura. May P33.94 milyon na ang naipamahagi sa mga apektadong pamilya.
