DAHIL sa patuloy na pag-ulan dala ng pinalakas na Habagat, nagsagawa ng preemptive evacuation para sa 283 pamilya sa 12 bayan at lungsod sa lalawigan ng Bulacan, kasabya ng babala ang mga awtoridad sa mga residente tungkol sa posibleng flash floods, pag-apaw ng ilog, at pagguho ng lupa.
Ayon kay Manuel Lukban, Jr., pinuno ng Bulacan Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO), patuloy pa rin ang paminsan-minsang pagbugso, mahina hanggang malakas na pag-ulan sa buong probinsiya.
Naitala ang high tide na 1.3 metro dakong 6:00 ng umaga noong Linggo, 9 Agosto, na nagdulot ng pagbaha sa ilang mga komunidad sa baybayin at mabababang lugar.
Dagdag ni Lukban, humupa na ang baha sa ilang mga lugar sa baybayin ganoon din ang pagtaas ng tubig, bagaman nanatiling lubog ang ilang mga kalsada at mga komunidad na malayo sa baybayin.
Naitala ang pinakamalaking bilang ng mga bakwit sa Bocaue na may 64 pamilya; kasunod ang Pulilan na may 54 pamilya; Calumpit, 37 pamilya; at Pandi at Guiguinto na may tig-31 pamilya.
Ang iba pang apektadong lugar na may bakwit ay ang Bulakan na may 24 pamilya; Baliwag, may 27 pamilya; San Rafael, 23; Malolos, pitong pamilya; Marilao, limang pamilya, at Hagonoy, dalawang pamilya.
Sinabi ni Lukban, naitala ng Bocaue ang pinakamataas na bilang ng mga lumikas dahil sa panganib ng pag-apaw ng ilog at ang mga mababang kalsada nito, na naapektohan din ng high tide.
Aniya, ang mga baradong drainage system na nabarahan ng mga basura ay nag-ambag din sa pagbaha sa lugar.
Tinukoy ng PDRRMO ang Bunducan, Caingin, Igulot, Bunlo, at Biñang Una na kabilang sa mga apektadong barangay sa Bocaue.
Sa kabila ng high tide, sinabi ni Lukban na ang pagbaha ay pinalala rin ng mga araw na patuloy ang pag-ulan at ang tubig na dumadaloy sa Bulacan mula sa karatig Pampanga, Tarlac, at Nueva Ecija, partikular sa Calumpit at iba pang mabababang lugar.
Napansin niya na umaapaw ang mga tributaries na konektado sa Angat River kahit na paglabas ng tubig mula sa Angat Dam, na lalong nagpapataas ng lebel ng tubig sa mga kalapit na komunidad.
Sa kabila ng pagbaha, sinabi ng PDRRMO na walang naiulat na mga insidente ng pagkalunod, pinsala o malaking balakid sa pagliligtas o paglikas ng mga residente kamakalawa ng tanghali.
Nanatiling naka-standby ang mga provincial at local disaster response team, kasama ang mga rescue asset kabilang ang mga speedboat, isang amphibious na sasakyan at mga rescue boat na nakahanda para sa deployment.
Sinabi ni Lukban, inihanda na ng pamahalaang panlalawigan ang kanilang disaster response asset nang maaga, ilang araw sa direktiba ni Gob. Fernando.
Hinimok ni Lukban ang mga residente, partikular ang mga nakatira malapit sa mga ilog, na manatiling mapagbantay habang patuloy ang pag-ulan at binalaan ang mga magulang laban sa pagpayag sa mga bata na lumangoy o maglaro sa mga ilog.
Umapela siya sa mga residente na iwasan ang pagtatapon ng basura sa mga lansangan at daluyan ng tubig at tumulong sa paglilinis ng mga drainage system kapag ligtas na itong gawin. (MICKA BAUTISTA)
