HATAW News Team
TATLO katao ang namatay habang apat ang nasagip ng mga awtoridad sa naganap na landslide sa Barangay Guisad Surong, sa lungsod ng Baguio, nitong Linggo ng gabi, 9 Agosto.
Samantala, hindi bababa sa limang indibiduwal ang patuloy na pinaghahanap ng mga rescue team sa pag-asang sila ay buhay pa.
Nagpapatuloy ang search and rescue operation sa ground zero sa Riverside, sa nabanggit na barangay kung saan pitong indibiduwal na ang nakuha mula sa tatlong natabunang bahay na nagkakanlong ng limang pamilya.
Ayon sa mga awtoridad, posibleng gumamit sila ng mga heavy equipment upang mapabilis ang clearing at rescue operations na naantala nang tuloy-tuloy na pag-ulang dala ng Habagat.
Samantala, 21 pamilya ang inilikas mula sa lugar dahil sa insidente.
Pansamantalang nananatili ang 14 pamilya –may 62 indibiduwal kabilang ang mga batang may edad 3 hanggang 7 anyos – sa Baguio International Academy, habang pitong evacuee ang nananatili sa Guisad Surong Barangay Hall.
