Notoryus na snatcher timbog sa pamamaril

Angeles Pampanga Police PNP

ARESTADO ang isang lalaking pinaniniwalaang notoryus na snatcher at suspek sa pagbaril sa isang namatay na residente sa lungsod ng Angeles, lalawigan ng Pampanga, nitong Biyernes, 7 Agosto.

Sa ulat mula kay P/Col. Robert Domingo, officer-in-charge ng Angeles CPS, dakong 1:00 ng madaling araw, nang maganap ang insidente ng pamamaril sa Bulaon St., Barangay Pandan Jaoville, sa naturang lungsod.

Napaslang sa nasabing insidente ang biktimang kinilalang si Romuldo Bayani, 55 anyos, residente sa Visayas Area, sa nabanggit na barangay.

Sa pahayag ng saksi, nakarinig sila ng pagtatalo na sinundan ng isang putok ng baril.

Nang suriin ang lugar, natuklasan ng saksi ang biktima na nakahandusay sa lupa at may tama ng bala sa ulo.

Agad na isinugod ang biktima sa Rafael Lazatin Memorial Medical Center (RLMMC) para sa agarang lunas ngunit idineklarang dead on arrival ng doktor.

Agad nagsagawa ng magkasanib na follow-up operations ang mga operatiba ng Police Station 3 at City Intelligence Unit (CIU), ng Angeles CPS.

Sa pamamagitan ng mabilis na pangangalap ng impormasyon, panayam sa mga saksi, at patuloy na pagtugis, matagumpay na natunton at naaresto ng mga nagrespondeng team ang suspek na kinilalang si alyas Russel a.k.a. Edcel/Edsel, sa kaniyang tirahan sa parehong lugar, ilang oras matapos ang insidente ng pamamaril.

Sa isinagawang body search sa police station, narekober ng mga operatiba ang isang sachet ng hinihinalang marijuana mula sa pag-iingat ng naarestong suspek.

Napag-alaman sa ulat na ang suspek ay dating sangkot sa mga kasong kriminal, kabilang ang snatching na naganap sa Barangay Balibago, sa naturang lungsod noong 2017, at mga karahasan na naganap sa bayan ng Porac noong 2021. (MICKA BAUTISTA)