No parking sign sa harap ng bahay tinanggal
Mag-asawa sugatan sa pamamaril ng sibak na parak

Gun poinnt

NADAKIP ng mga awtoridad ang isang 41-anyos na dismissed police officer matapos barilin ang mag-asawa sa Purok 12, Brgy. Old Cabalan, sa lungsod ng Olongapo, lalawigan ng Zambales, nitong Biyernes ng gabi, 7 Agosto.

Sa ulat mula sa tanggapan ni P/Col. Deonido Maniago, Jr., city police director ng Olongapo CPS, nagresponde ang mga tauhan ng Police Station 4 ng Olongapo CPO, katuwang ang mga Barangay Peacekeeping Action Team (BPAT)/Tanod sa ilalim ng JBM Patrol System, matapos makatanggap ng ulat hinggil sa naganap na pamamaril.

Batay sa paunang imbestigasyon, bumaba ang lalaking biktima mula sa kaniyang sasakyan upang alisin ang parking sign sa harap ng kanilang gate nang biglang sumulpot ang suspek at pinaputukan siya nang malapitan.

Sa unang bugso ng putok ng baril, tinamaan ang biktima sa kaliwang balikat at kaliwang bahagi ng tiyan.

Kasunod nito, pinuntirya din ng suspek ang asawa ng biktima na nasa passenger seat ng sasakyan na bahagyang napinsala ang ulo.

Sa gitna ng insidente, mabilis na kumilos ang dalawang anak ng mag-asawa upang tulungan ang kanilang mga magulang at mapigilan ang suspek.

Sa kanilang pagtutulungan, nahawakan at napigil ang suspek hanggang nagresponde ang BPAT at mga tauhan ng Police Station 4, na tuluyang umaresto sa suspek.

Narekober mula sa insidente ang dalawang kalibre 9mm baril, kabilang ang isang 9mm Luger at isang 9mm DAEWOO.

Agad isinugod sa pagamutan sa Subic Bay Freeport Zone ang mga biktima para sa kaukulang atensiyong medikal.

Inihahanda na ng mga awtoridad ang kaukulang kaso laban sa suspek kaugnay ng Frustrated Murder, Attempted Murder, at paglabag sa RA 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.

Pahayag ni P/Col. Maniago, ang pagiging dating miyembro ng PNP ng suspek ay hindi magiging dahilan upang magkaroon ng kahit anong espesyal na pagtrato o pagkiling sa imbestigasyon.

Ang lahat ng ebidensiya, salaysay, at iba pang impormasyon ay susuriing mabuti at alinsunod sa umiiral na mga batas, polisiya, at proseso. (MICKA BAUTISTA)