WASAK at tinangay ng malakas na agos ng tubig ang maraming cottages sa iba’t ibang campsite at ilog na pasyalan at paliguan sa bayan ng Norzagaray, sa lalawigan ng Bulacan, nitong Linggo, 9 Agosto.
Kasunod ito ng biglaang pagpapakawala ng tubig mula sa Ipo Dam dahil sa walang tigil na pag-ulan na dulot ng pinalakas na Habagat.
Ayon sa ulat mula sa mga residente sa lugar, mabilis na tumaas ang antas ng tubig sa mga sikat na pasyalan at paliguan, dahilan upang hindi na mailigtas ng mga may-ari ang kanilang mga estruktura at kagamitan.
Kabilang sa mga apektadong lugar ay ang Bitbit River, Maramo at Banahaw River at ilang hanay ng mga kubo at tambayan na malapit sa tabing-ilog na direktang inabutan at tinangay ng malakas na agos.
Naitala ang biglaang pag-apaw ng tubig na sumira sa mga itinayong shed at pasilidad ng mga lokal na campsite operator sa mga sikat na paliguan at pasyalan na Kanyakan River at Bakas River sa Norzagaray.
Kaugnay nito, suspendido pa rin ang klase sa lahat ng antas ng pampubliko at pribadong paaralan sa lalawigan ng Bulacan ngayong Lunes, 10 Agosto.
Ayon sa Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council (PDRRMC) ng Bulacan, sinuspinde ang klase sa lahat ng antas ng pampubliko at pribadong paaralan sa buong lalawigan bilang paghahanda laban sa mga panganib na maaaring idulot ng pag-ulan at pagbaha.
Batay sa memorandum na inilabas kahapon, magpapatuloy ang pag-ulan na inaasahang maging sanhi ng flash floods, back flooding, at landslide sa lalawigan.
Dagdag rito ang mataas na lebel ng high tide na aabot sa 4.56ft sa mga coastal areas ng lalawigan.
Pinag-iingat ang bawat isa at manatiling alerto sa gitna ng patuloy na masamang panahon, at patuloy na subaybayan ang mga opisyal na abiso mula sa mga awtoridad. (MICKA BAUTISTA)
