SI Frank Lao ang nahalal na bagong pangulo ng Philippine National Volleyball Federation (PNVF), habang inilarawan ni Philippine Olympic Committee (POC) president Abraham “Bambol” Tolentino bilang isang “committed team” ang bagong hanay ng mga opisyal ng pederasyon.
“Isa itong ‘committed team’ at naniniwala akong mapapanatili nila ang pag-unlad ng volleyball na nagsimula nang itatag ang PNVF noong 2021,” pahayag ni Tolentino matapos ang halalan nitong Lunes ng umaga sa Solaire Theater Southlinks Boardroom 2M.
Nahalal din sina Atty. Donn Kapunan bilang bise presidente at Rommel Ng bilang ingat-yaman, at Atty Wharton Chan (poc) bilang auditor.
Bilang mga miyembro ng board of trustees, nahalal naman sina Sienna Olaso, Francis Chad Salimbangon, Carmela Gamboa, Rustico Camangian, Mohamad Bernan Jr. at Jonas Cabochan.
Nahalal din sa lupon si Asian Volleyball Confederation president Ramon “Tats” Suzara, ang unang pangulo ng PNVF, habang itinalaga naman si Donaldo Caringal bilang secretary-general.
Ang tatlo pang bubuo sa 13-kataong lupon—isang itatalaga ng POC at tig-isang kinatawang lalaki at babae mula sa Athletes’ Commission—ay iaanunsyo sa mga susunod na araw.
Dahil dito, tuluyan nang isinuko ng POC ang papel nito bilang “caretaker” ng pederasyon, isang tungkuling ipinagkatiwala rito ng international volleyball governing body na FIVB matapos suspindihin ang dating PNVF board na nahalal noong Nobyembre 21 ng nakaraang taon dahil sa mga isyu sa pamamahala.
Mananatili naman, ayon kay Tolentino, ang Alas Pilipinas Men at Women teams na binuo sa ilalim ng pangangasiwa ng POC para sa Aichi-Nagoya 20th Asian Games habang suspendido ang PNVF.
Nasaksihan at pinatunayan ang halalan nina FIVB Ad Hoc Committee chair Hila Asanuma ng Palau at FIVB External Legal Consultant Atty. Alexa Monica Dabao. (POC/HNT)
