TAGAYTAY CITY — Sa Tagaytay CT Velodrome idaraos sa susunod na taon ang kauna-unahang Asian Youth Plus Track Championships para sa mga batang track cyclist na edad 16 pababa.
Ayon kay Philippine Olympic Committee (POC) president Abraham “Bambol” Tolentino, inaprubahan ang bagong continental championship sa pulong ng Asian Cycling Confederation (ACC) Management Committee sa Kuala Lumpur nitong weekend.
Layunin ng torneo na bigyan ng mas malaking international exposure ang mga batang siklista sa Asya, kabilang ang Oceania, at ihanda sila sa mas mataas na antas ng kompetisyon.
Pangunahing tampok ang Boys at Girls categories, ayon kay ACC president Dato’ Amarjit Singh Gill.
Hindi pa itinakda ang eksaktong petsa ng kompetisyon.
Ang Tagaytay CT Velodrome ay naging venue na ng ACC Track Championships at Para Track Championships noong Marso at muling magiging host ng dalawang legs ng Track Asia Cup sa Disyembre. (POC/HNT)
