Nick Vera Perez pinarangalan outstanding leaders sa NVP1World Honor Awards 2026 

Nick Vera Perez

IPINAGDIWANG ng NVP1World Entertainment ang ika-8 anibersaryo nito sa pamamagitan ng isang gala night noong Agosto 8, 2026 sa HK Banquet, Chicago, na pinarangalan ang mga indibidwal na may malaking kontribusyon sa arts, music, humanitarian work, and community service.

Kasabay ng selebrasyon ang pagbabalik ng NVP1World Honor Awards matapos itong pansamantalang natigil noong pandemic, isinusulong din nito ang mga charitable initiatives sa ilalim ng SMILE WORLD Charities.

Kabilang sa mga pinarangalan ang FAASD Dance Group para sa Excellence in Arts (Dancing) at si Evelyn O. Francia para sa Excellence in Music (Singing). Tumanggap naman si Rosalinda Cañete ng Excellence in Humanitarianism, habang ginawaran si Aurelia Pendon ng Pastor Philip Tan Sr. Lifetime Achievement Award.

Kinilala rin sina Gemma Esmalla at Timotea Ramos bilang Distinct Women of Honor 2026, habang si Aaron Del Mar, kandidato sa pagka-Lieutenant Governor ng Illinois, ay tumanggap ng Distinct Man of Honor. Pinarangalan naman si Margie Par, nurse ng Rush Oak Park Hospital, bilang Excellence in Nursing dahil sa kanyang kontribusyon sa mentoring ng mga bagong Nurse at pagpapabuti ng patient care.

Ang pinakamataas na parangal na Legion of Honor ay iginawad kay Timotea Ramos matapos siyang mapili sa pamamagitan ng live voting ng mga dumalo. Ibinahagi rin niya ang kanyang unreleased single na Sama Sama Tayo na nakatakdang ilabas sa Disyembre 2026.

Samantala, inanunsyo ni NVP1World Entertainment founder Nick Vera Perez ang kanyang ikapitong album na Reminiscing na naglalaman ng revival songs at nostalgic favorites. Nakatakda rin siyang bumisita sa ‘Pinas sa Mayo 2027 para sa promotional tour ng album.

Patuloy na kinikilala ng NVP1World Entertainment ang mga personalidad na nagbibigay-inspirasyon sa pamamagitan ng kanilang talento, serbisyo, at dedikasyon sa komunidad.