Rayco, Olaguir Umariba; Alas Girls lusot sa Tunisia

Alas Pilipinas Girls FIVB Worlds

SAN FELIPE, Chile — Tuloy ang pag-arangkada ng Alas Pilipinas Girls matapos pabagsakin ang Tunisia, 27-25, 25-19, 25-16, Sabado sa FIVB Volleyball Girls U17 World Championship.

Nagbalik ang dating koneksiyon nina Xyz Rayco at Resty Olaguir, dahilan para umangat sa 2-1 win-loss record ang Alas Pilipinas at makalapit sa Round of 16.

Matapos mabigo sa defending champion China sa unang laro, sunod na pinabagsak ng world No. 25 Pilipinas ang mas mataas na ranggong Mexico, No. 8, bago walisin ang No. 20 Tunisia sa Liceo Particular Mixto San Felipe.

Dahil dito, nasa ikalawang puwesto ang Alas sa Pool B, sa likod ng China, na may dalawa pang laro sa eliminasyon. Ang top four teams ang uusad sa Round of 16.

Nang hawakan ni Olaguir ang playmaking, muling nagningning si Rayco na nagtapos na may 13 puntos mula sa 12 attacks at isang block.

Dalawa sa huling tatlong puntos ng Alas sa dikit na opening set ay mula kay Rayco.

“Mas iba kapag siya ang nagse-set sa akin ng bola. Pakiramdam ko, kaya ko talagang patayin,” ani Rayco, na umamin ding hindi siya kuntento sa kanyang laro sa unang dalawang laban.

Samantala, sinabi ni Olaguir na unti-unti na niyang nababawi ang kanyang dating kumpiyansa matapos siyang maisalang sa laro.

“Masaya ako na nakapasok ako at nakatulong. Unti-unti ko nang nababalik ang dati kong laro,” ani Olaguir.

Muli ring nanguna si Caera Celis, na nagtala ng 15 puntos mula sa 13 attacks at dalawang blocks para maging top scorer ng Alas sa ikatlong sunod na laro.

May 10 puntos naman si Sharina Rhyza Lleses, lahat mula sa attacks.

Susunod na haharapin ng Alas Pilipinas ang world No. 6 Peru sa Lunes bago tapusin ang pool play kontra No. 12 Venezuela sa Martes.

Ang Alas Pilipinas Girls ay suportado ng Philippine Olympic Committee, Philippine Sports Commission at Asics. (AVC/HNT)

(Volleyball World photos)