Vince Conrad 5 medalya natanggap sa WCOPA
HARD TALK
ni Pilar Mateo
SIGURADONG matatandaan na ang pangalang Vince Conrad. Dahil sa natanggap nitong parangal mula sa WCOPA (World Championships of Performing Arts) ngayong taon.
Ang Filipino na aktor at singer ay nagkamit ng limang medalya sa iba’t ibang kategorya. At may bonus pa.
Gold- Acting Category (Grand Finalist)
Gold-Comical Acting
Gold-Dramatic Acting
Silver-Comical Acting (Semi-Finalist)
Bronze-Vocal Word
WCOPA 2026 Division Champion-Acting Category
New York Film Academy Scholarship Recipient
Nagsimula ang professional theater career ni Vince noong 2014 na nakatrabaho niya sina National Artist for Music Fides Cuyugan Asencio, filmmaker Joel Lamangan, at aktres-direktor Laurice Guillen.
Nakaganap na siya sa mga dulang musikal na Song of Joseph, Si Totong Tipaklong, at Ang Kapangyarihan ng Tag-Araw, Maynila sa mga Kuko ng Liwanag, Magnificat: The Musical, Kristo: Isang Musikal, Jeproks: The Musical, Ibarra…Ngayon, at Dami Pang Gustong Sabihin.
Kaya sa mga tinamo at tinamasa ngayon ni Vince, ano pa kaya ang nanaisin niyang sabihin?
“Beyond the theater, nais ko pa rin pong subukan ang pelikula. Minsan na akong nasalang sa isang period film. At gusto ko pa ring makaganap sa iba-iba pang mga karakter na ipagkakaloob sa akin.”
Minsan na rin siyang pinahalagahan ng Batangas Tourism at Cultural Affairs Council nang ipagkaloob sa kanya ang Batangas Artist Award for Theater.
Kung sakaling kailanganin niyang mamili sa pagpirmi sa bansa o sa nakuha niyang scholarship sa New York, alin ang mas bibigyan niya ng prioridad.
“Pareho pong mahalaga para sa akin ‘yun. Kung ano ang unang magbukas na oportunidad, doon ako magpo-focus. Dahil alam kong pareho ko silang mabibigyang pansin. At ang scholarship ay magbubukas sa akin ng malaking oportunidad sa international arena na magagamit at madadala ko naman dito sakali mang ‘yun ang mauna. At lubos akong nagpapasalamat sa lahat ng sumuporta sa akin in my journey. Hindi biro ang challenges na dinaraanan ng bawat sumasali sa WCOPA.”
Ang Ilviso Artist Management Inc. ang nagma-manage kay Vince.
Ayon sa WCOPA Philippines Creative Director na si Annie Mercado, “In the history of WCOPA, the Philippines never made a mark in acting. Since the Philippines joined in 2005, we never made it in acting. Diction, accent, intonation, was always the problem for Pinoys. Getting a gold at acting at WCOPA is very rare considering it is based on Hollywood standards. More so getting into the Grand Finals! This is why we are mighty proud of his achievement. He made history here.”
So, bakit ‘di tayo hindi magiging proud sa napakarami pang gustong mapatunayan ni Vince!