Ruby Ruiz nahumaling sa pakikipag-chat: natuwa ako, pampalipas ng oras

Ruby Ruiz Status Rejected

RATED R
ni Rommel Gonzales

PERFECT timing daw ang pagdating ng Status: Rejected sa buhay ng aktres na si Ruby Ruiz.

“It became very, very personal to me dahil dumating ito sa buhay ko, sa perfect time na may pinagdaraanan akong kalungkutan.

“Hindi naman talaga siya depression, hindi. Malungkot lang dahil dumating doon sa point na, totoo pala iyon, pagtanda mo, at a certain age, na halos mag-isa ka na lang, hindi ka na napapansin ng mga anak mo dahil may sarili rin silang buhay, “di ba?

“So wala kang ginawa kundi mag-ano…mag-game, mag-Instagram. Tapos mayroon akong mga nakikilala roon. Pero hindi ako pumasok sa dating app. Iyon lang.

“Tapos kaya ako tuwang-tuwa noong nabasa ko ‘yung script dahil ‘yung mga sinasabi roon sa script namin ay pareho, para siyang template niyong mga sinasabi ng mga ka-chat ko.

“‘Yung mga, ‘Your smile is beautiful, ‘you have a beautiful smile,’ tapos ‘What do you do?’

“Either, ‘I’m a widow,’ ‘I’m a single whatever.’ Pare-pareho sila, tapos karamihan sa kanila, military. So parang natuwa lang ako, ginagawa ko lang pampalipas ng oras.

“Titingnan ko kung saan pupunta ito. ‘Pag malapit-lapit ng parang sobrang ano na ‘yung mga sinasabi, bigla ko na siyang iba-block.”

So, online scammer ang karamihan sa mga nakikilala niya sa internet?

“Tingin ko, tingin ko, parang doon na papunta,” pag-amin ni Ruby.

“Ang ginagawa ko rin naman sinasakyan ko kunwari, eh. Kasi I really wanted to know, tinitingan ko sa picture, saan ba ito,  kunwari lang na nakasakay sa ganitong kotse,  kunwari lang ganito.

“Kasi ang parang kamangha-mangha sa akin, bakit pare-pareho sila more or less ng profile? Iyong ano, US Air Force, ganoon, military man, tapos pare-pareho na dati nang may asawa, pero now ganito, more or less.

“Ang tinitingnan ko bakit pare-pareho sila ng pinanggalingan? Ang iniisip ko kung mga troll ito saan sila banda sa Amerika?

“Iyon parang naaliw ako, na-curious ako.”

Hindi naman umabot si Ruby na na-scam siya ng nakaka-chat niya na tulad ng nangyayari sa ibang tao.