Alessandra at Ruby nakamamangha ang galing 

Ruby Ruiz Alessandra de Rossi Status Rejected

RATED R
ni Rommel Gonzales

MAAYOS, makatotohanan, at malinaw ang pagkakalahad ng pelikulang Status Rejected.

Idinirehe ni Vahn Leinard C. Pascual, istorya ito ng 69-year-old na ina at lola na si Biring na buong husay na ginampanan ng aktres na si Ruby Ruiz.

Si Biring, katulad ng mga nagaganap ngayon sa tunay na buhay ng ibang mga senior citizen na walang asawa o partner, ay nakakilala online ng isang foreigner mula sa Amerika, si Steve, at umibig siya rito kahit hindi pa niya nakikita sa personal.

Bahagi rin ng kuwento ng buhay ni Biring ang pagkaka-deny ng U.S visa ng kung ilang beses.

May mga nakawiwindang na eksena si Ruby sa pelikula na nangyayari naman talaga sa tunay na buhay.

Gumanap naman bilang anak ni Biring ang isa pang mahusay na aktres na si Alessandra de Rossi, si Anna na may sariling twist ang buhay at pagkatao.

Nakamamangha ang mga eksena na magkasama sina Ruby at Alessandra at nagbabatuhan ng emosyon at husay bilang mga tunay na aktres.

Hindi na kataka-takang nagwagi si Ruby bilang Best Actress sa katatapos na 22nd Cinemalaya Independent Film Festival noong Agosto.

Ka-tie ni Ruby sa naturang acting award si Pokwang para sa 2 Valid IDs na napanood din namin ang husay nina Joey Marquez at Zaijian Jaranilla.

Wagi rin ang Status Rejected sa nakaraang Cinemalaya awards night ng NETPAC Award (Full-length Film Category).

Nasa pelikula rin si Beverly Salviejo bilang kaibigan ni Biring na si Tessie at Yani Villarosa bilang anak ni Anna na si Sophia.

Palabas ngayon sa buong Pilipinas  sa 137 cinemas at ine-encourage namin ang lahat, lalo na ang mga single mom at lola, na panoorin ang pelikula dahil marami sa kanila ang malamang maka-relate sa mga tauhan sa pelikula na binigyang-buhay nina Ruby at Alessandra.