John Arcilla klik pa rin sa ‘pagmumura’
MA at PA
ni Rommel Placente
NAGBIGAY ng pananaw ang award-winning actor na si John Arcilla tungkol sa kanyang pag-arte at storytelling, pati na rin ang kanyang mga bagong proyekto sa musika at pelikula.
Ayon kay John, “Acting is not just a commitment towards your character, and to your co-actors, it is also responsibility to your audience.”
Hinikayat din niya ang mga aspiring actors na patuloy na matuto hindi lamang sa loob ng classroom o acting workshops, kundi maging sa mga karanasan sa buhay.
“The biggest university in acting is this life,” ayon pa kay John kasabay ng pagsasabing ang pag-unawa sa pagiging “tao” ng bawat karakter ang nagbibigay ng mas makatotohanan at makabuluhang kuwento.
Binalikan din niya ang Heneral Luna, ang pelikulang naging malaking turning point sa kanyang karera.
Mahigit isang dekada matapos itong ipalabas sa mga sinehan, sinabi ni John na marami pa rin ang tumatawag sa kanya bilang Heneral, lalo na ang mga kabataang nakapanood ng pelikula sa paaralan o kasama ang kanilang pamilya.
Natatawang kuwento pa ng aktor, may mga pagkakataon pa raw na may mga lumalapit sa kanya, kabilang na ang mga estudyante hindi lang para magpa-picture kundi gusto ring magpamura sa kanya ng p*nyeta, na nagmarka sa mga nanood ng Heneral Luna.
“Sir John, Sir John! Murahin mo naman ako!’ ‘Yung ganoon. Hindi ko alam kung…doon ako nagdadalawang-isip!”