Nagtulakan sa mikropono
Kara at Ivana nagbiruan sa entablado

Kara David Ivana Alawi

USAP-USAPAN ang magkasamang pagtanggap nina Kara David at Ivana Alawi ng Best Host for Public Service sa kauna-unahang FAMAS Broadcast Arts Awards. Mula sa magkaibang mundo ng media, pinatunayan ng dalawa na ang tunay na serbisyo publiko ay walang pinipiling plataporma—telebisyon man o digital media.

Bago pa man magsimula ang kanilang acceptance speech, naghatid muna ng good vibes ang dalawa nang kapwa nila itinulak ang isa’t isa sa harap ng mikropono. Parehong nahihiyang maunang magsalita sina Kara at Ivana kaya nagkaroon ng masayang eksena na ikinatuwa ng audience at nagdulot ng malakas na tawanan sa loob ng venue.

Sa huli ay si Kara ang unang nagsalita at hindi nito napigilang purihin ang kanyang kapwa awardee. 

Starstruck ako sa ganda ni Ivana Alawi,” pabirong sambit ng batikang broadcast journalist, dahilan upang mapangiti at matawa si Ivana pati na rin ang mga dumalo sa gabi ng parangal.

Kilala si Kara bilang isa sa mga haligi ng public service broadcasting sa bansa sa pamamagitan ng kanyang mga makabuluhang dokumentaryo sa I-Witness ng GMA Network. Bukod dito, isa rin siyang assistant professor at chairperson ng Department of Journalism sa UP Diliman College of Mass Communication, na patuloy siyang humuhubog ng susunod na henerasyon ng mga mamamahayag.

Samantala, si Ivana ay isa sa pinakasikat na digital creators at aktres sa Pilipinas. Sa milyon-milyon niyang tagasubaybay sa social media, nagagamit niya ang kanyang impluwensiya hindi lamang sa entertainment kundi maging sa mga programang nagbibigay-inspirasyon at tumutulong sa kapwa.

Ang kanilang pagkakapantay bilang Best Host for Public Service ay sumasalamin sa nagbabagong mukha ng media, na parehong mahalaga ang tradisyonal na broadcast at digital platforms sa paghahatid ng impormasyon, pag-asa, at serbisyo sa publiko.

Sa masayang biruan, taos-pusong pasasalamat, at pagkilala sa kanilang ambag sa lipunan, naging isa sina Kara at Ivana sa mga pinakamatunog na sandali ng unang FAMAS Broadcast Arts Awards—isang gabi na nagpatunay na ang public service ay kayang pagsamahin ang kredibilidad, impluwensiya, at malasakit. (Allan Sancon)