Vice Ganda Kim Chiu

HINDI napigilan ng mga netizen na pag-usapan ang tila pagkalimot ni Vice Gandasa kanyang matagal nang co-host na si Kim Chiu matapos nitong tanggapin ang parangal sa 1st FAMAS Broadcast Arts Awards.

Sa kanyang acceptance speech, isa-isang pinasalamatan at inialay ni Vice Ganda ang kanyang tagumpay sa mga nakasama niyang host sa It’s Showtime. Ngunit ikinagulat ng marami na hindi nito nabanggit ang pangalan ni Kim, na isa sa mga pangunahing haligi ng noontime show.

Bilang personal na nakadalo sa awards night at nakakuha ng video ng acceptance speech ni Vice Ganda, muli kong nirepaso ang buong footage. Rito ay malinaw na hindi talaga nabanggit ang pangalan ni Kim.

Kapansin-pansin pa na nabanggit ni Vice Ganda maging ang mga mas bagong hosts na sina Brent Manalo, Ralph de Leon, at maging ang Baby Dolls, dahilan upang lalong umingay ang usapin sa social media.

Hindi nagtagal, umapaw ang reaksiyon ng mga tagahanga ni Kim sa X. Marami ang nadesmaya at nagtaka kung bakit tila nakaligtaan ni Vice ang kanyang matagal ng kaibigan at katrabaho. Bilang tugon, naglabas ng pahayag si Vice Ganda at tinawag na “cheap” at “toxic” ang ilang netizens na umano’y nag-aakusa sa kanya ng pagiging “plastik” at pagpapakita ng favoritism.

Hindi rin nanahimik si Kim. Sa kanyang X post, mahinahon niyang sinabi, “Ayaw ko na sanang palakihin ito. Pero bilang mga tagasuporta, hindi naman siguro ka-cheapan ang tawag doon. Siguro po, marahil sa sobrang pagmamahal at suporta nila sa idolo nila, ay protective sila.” 

Ang naturang mensahe ay umani ng papuri dahil sa pagiging kalmado nito sa gitna ng mainit na usapin.

Mabilis ding nilinaw ni Vice ang kanyang panig at sinaway maging ang sarili niyang supporters. Aniya, “Hindi sapat at katanggap-tanggap na dahilan na mahal n’yo ko para maging masama kayo sa iba. Ipinagpapasalamat ko ang suporta n’yo, but I will not enable your toxic behavior just because I seek your support.”

Marami ang humanga sa kanyang paninindigan laban sa toxic fan behavior.

Kalaunan, tuluyan nang tinuldukan ni Vice Ganda ang isyu nang humingi siya ng paumanhin kay Kim sa live episode ng It’s Showtime. Inamin niyang hindi niya sinasadyang hindi mabanggit ang pangalan ng aktres sa kanyang acceptance speech at humingi siya ng tawad sa kanyang kaibigan. Tinanggap naman ito ni Kim, na lalong nagpatunay sa matibay nilang samahan sa kabila ng naging kontrobersiya.

Sa huli, bagama’t nauwi sa public apology ang isyu, naging malaking usap-usapan pa rin ang nangyari sa 1st FAMAS Broadcast Arts Awards. Para sa maraming netizens, isang simpleng pagkalimot lamang ito. Ngunit para sa iba, nananatiling palaisipan kung paano hindi nabanggit ang pangalan ng isa sa pinakamahalagang haligi ng It’s Showtime, samantalang naalala pa ang ilan sa mga mas bagong host ng programa. (Allan Sancon)