ISANG 4-anyos batang lalaki ang namatay matapos masagasaan ng bus ng Ceres Liner bus sa Brgy. Mabini, sa lungsod ng Escalante, lalawigan ng Negros Occidental, nitong Miyerkoles, 22 Hulyo.
Ayon kay P/Lt. Col. Florendo Fajardo, hepe ng Escalante CPS, bumaba ang bata at kaniyang mga magulang mula sa bus kung saan tinulungan sila ng konduktor sa pagkarga sa biktima.
Nabatid na hindi napansin ng mga magulang ng biktima na nagtungo ang kanilang anak sa harap ng bus dahil inaasikaso nila ang kanilang mga dala-dalang gamit.
Nang paandarin ang bus, isa sa mga nasa estasyon ang sumigaw na may nabanggang bata saka pinahinto ang driver.
Dahil sa mga pinsala sa kaniyang ulo, idineklarang dead on arrival sa ospital ang batang biktima.
Ani P/Lt. Col. Fajardo, nasa kustodiya na ng pulisya ang 45-anyos driver habang isinasagawa ang imbestigasyon kaugnay sa insidente.
Dagdag niya, pinag-uusapan pa ng mga magulang ng bata kung magsasampa sila ng kaso laban sa driver ng bus.
