AGAD nagresponde ang mga awtoridad sa naiulat na bomb threat post sa social media na kinasasangkutan ng ilang paaralan sa bayan ng San Ildefonso, lalawigan ng Bulacan, mula nitong Lunes hanggang Martes, 20-21 Hulyo.
Nang matanggap ang ulat, nagsagawa ang San Ildefonso MPS, San Ildefonso LGU, at mga opisyal ng paaralan ng isang emergency coordination meeting at nagpatupad ng mas mahigpit na seguridad at mga hakbang sa pagtugon.
Nitong Martes, 1:10 hanggang 5:10 ng hapon ay ininspeksiyon ng Bulacan Provincial Explosive Ordnance Disposal and Canine Group ang San Ildefonso National High School, St. John School, Pulong Tamo Elementary School, Calawitan Elementary School, at San Juan Elementary School.
Negatibo ang resulta ng lahat ng inspeksiyon, at walang natagpuang bomba, improvised explosive device, pampasabog, o mapanganib na bagay.
Isinagawa ang follow-up investigation, kabilang ang digital account verification, sa pakikipagtulungan ng Provincial at Regional Anti-Cybercrime Unit at iba pang kinauukulang ahensiya.
Bilang resulta ng patuloy na imbestigasyon at koordinasyon sa pagitan ng mga ahensiya, nadakip ng San Ildefonso MPS, kasama ang Bulacan Provincial Intelligence Unit, Talavera MPS, at Jaen MPS, ang 18-anyos suspek dakong 6:29 ng hapon sa Brgy. Hilera, Jaen, Nueva Ecija.
Nakuha mula sa suspek ang isang cellphone na pinaniniwalaang ginamit sa pag-post ng mga banta na ngayon ay isinailalim para sa teknikal at forensic na pagsusuri ng Provincial Anti-Cyber Crime Unit.
Dinala ang suspek sa San Ildefonso MPS para sa dokumentasyon, karagdagang imbestigasyon, at wastong disposisyon habang inihahanda ang mga kaukulang kaso na paglabag sa PD No. 1727 (Anti-Bomb Joke Law) at Article 282 ng Revised Penal Code alinsunod sa RA 10175 o ang Cybercrime Prevention Act.
Kaugnay nito, pinayohan ng PNP ang publiko na manatiling kalmado, iwasan ang pagbabahagi ng hindi beripikadong impormasyon, at agad na iulat ang mga kahina-hinalang post o aktibidad sa mga awtoridad.
Ipinapaalala ng pulisya sa lahat na ang pag-iisyu ng mga banta ng bomba at paggamit ng social media upang lumikha ng takot ay mga seryosong pagkakasala na maaaring parusahan ng batas.
Nananatili ang mga hakbang pangseguridad, patuloy na pagpapakita ng pulisya, patuloy na pagsubaybay, at koordinasyon sa mga awtoridad ng paaralan upang matiyak ang kaligtasan ng mga mag-aaral, guro, tauhan ng paaralan, at ng publiko. (MICKA BAUTISTA)
