Sa VP threat vs PBBM
‘Persons of interest’ kinompirma ng NBI
HATAW News Team
TINIYAK ni National Bureau of Investigation (NBI) Director Melvin Matibag na mayroong ‘persons of interest’ ang ahensiya kaugnay sa indibiduwal na sinabing inupahan ni Vice President Sara Zimmerman Duterte-Carpio para patayin si Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr., First Lady Liza Marcos, at dating House Speaker Martin Romuladez.
Sa ika-walong araw Impeachment Trial, sinabi ni Matibag, ang ikatlo at huling testigo ng prosekusyon, na nagbuo sila ng special task force para siyasatin ang ‘banta’ laban sa buhay ng Pangulo.
“Meron po tayong mga leads na atin pong sinusundan at katunayan, we already have established persons of interest na maaaring magturo o tumukoy doon sa taong kinausap ng ating bise presidente,” pahayag ni Matibag matapos tanungin ni House lead prosecutor Rep. Gerville Luistro.
“O maaaring isa sa tinatawag nating persons of interest ang (siyang) nakausap ng bise presidente,” dagdag niya.
Inilinaw ni Matibag, ang persons of interest, ay maaring makapagbigay linaw sa imbestigasyon o magturo sa pagkakakilanlan ng taong sinabing kinontak ni Duterte.
Ngunit tumanggi si Matibag na ibunyag ang pagkakakilanlan ng persons of interest.
“Respectfully, ikinalulungkot ko po pero sa akin pong katatayuan bilang NBI Director ay hindi ko maaaring isiwalat ang pagkakakilalan o pagkatao ng mga persons of interest… this is continuing in an open investigation po sa nangyari sa pagkontrata sa pagpatay sa ating Pangulo,” pahayag ni Matibag.
“Pag ang ganitong bagay na ‘it’s an open and continuing investigation’ ay ating isisiwalat, unang-una pong mangyayari rito ay makokompromiso po ang ating imbestigasyon at mailalagay po sa alanganin ‘yun pong ating mga tinatawag na informants o assets na nasa ground na nagbibigay sa atin ng human intel na tinatawag,” ani Matibag.
Layunin ng imbestigasyon na matukoy ang taong sinabing kinausap ni Duterte kaugnay ng sinasabing planong pagpatay sa Pangulo. Klinaro ni Matibag na ang pagtukoy sa kanila bilang persons of interest ay hindi nangangahulugang sila na ang tiyak na nakausap ng Bise Presidente.
Aniya, bahagi ng mandato ng espesyal na task force ng NBI ang pagtukoy sa sinasabing kontak ni Duterte. Binanggit ng direktor na nasubaybayan ng Cybercrime Division ang ilang komento at video sa social media na naglalaman ng pahayag tungkol sa pagbaril sa Pangulo, bagay na lalong nagpaigting sa pangamba ng ahensiya para sa seguridad ng Pangulo at ng bansa.
“Kahit dumating ang panahon na matukoy na namin kung sino ang kinausap, may karapatan pa rin kaming protektahan ang aming mga impormante, sapagkat pinangangalagaan din namin ang institusyon ng NBI,” dagdag niya.
‘Assassination’ vs PBBM planado – Matibag
PLANADO at hindi lamang basta banta ang ‘assassination threat’ ni Vice President Sara Zimmerman Duterte–Carpio laban kay Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr., na itinuturing ng National Bureau of Investigation (NBI) bilang seryosong banta sa pambansang seguridad.
“From our law-enforcement perspective, ang ginawang banta ng Vice President ay tinatrato naming hindi banta kundi isang plano para sa pagpatay sa ating Pangulo, and that is a threat to the President which we consider also na threat na po sa ating national security,” ani NBI Director Melvin Matibag, huling testigo ng prosekusyon sa Article IV ng impeachment case hinggil sa grave threats.
Ipinahayag ni Matibag, ang naturang pagbabanta ay bahagi ng nagpapatuloy na imbestigasyon ng NBI at tinatrato na hindi lamang ‘simpleng banta’ kundi isang ‘aktuwal na plano’ laban kay PBBM.
Binigyang-diin ni Matibag na hindi natatapos sa kasong kriminal ang trabaho ng NBI. Bukod sa reklamong grave threats at inciting to sedition na nakabinbin sa Department of Justice (DOJ), binuo rin ang Special Task Force para ipagpatuloy ang imbestigasyon, pagsubaybay, at pagtugon sa mga ulat na nangangailangan ng agarang aksiyon.
Ani Matibag, binuo ang task force kaugnay ng pahayag ni VP Duterte at broadcast ng RAGE Coalition rally noong 12 Abril, kung kailan sinabi ni Davao City Mayor Sebastian Duterte: “Isang ulo lang naman ang kailangan namin, at iyan ay ang ulo ni Bongbong Marcos.”
Ayon kay Matibag, mas mabigat ang epekto ng pagbabanta kung ito ay nagmumula sa mataas na opisyal ng gobyerno, dahil maaari itong magdulot ng kaguluhan, ligalig, at destabilisasyon sa bansa.
