072226 Hataw Frontpage

Kasado sa loob ng dalawang araw
TRANSPORT STRIKE VS SUMISIRIT NA PRESYO NG PETROLYO
Taas pasahe hirit ng jeepney

072226 Hataw Frontpage

IKINASA ng transportation groups ang dalawang araw na welga, simula ngayon, 22 Hulyo hanggang bukas, 23 Hulyo bilang protesta sa sumisirit na presyo ng mga produktong petrolyo at pag-aatubili ng pamahalaan na magtaas ng pasahe sa jeepney.

Inilunsad ng MANIBELA ang welga.   

Sinabi ni Manibela President Mar Valbuena, 5:00 ng madaling araw ngayong Miyerkoles ay titigil na sa pamamasada ang kanilang mga miyembro.

Target nila ang 100,000 public utility vehicles (PUVs) mula sa iba’t ibang transport sectors para lumahok sa protesta. Aniya, magtatayo ng strike center sa Philcoa, Quezon City, pagsapit ng 7:00 ng umaga.

Planong magmartsa ng transport groups patungo sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) upang maghain ng petisyon na humihingi ng P2 dagdag sa minimum jeepney fare.

Kahapon, nagkilos protesta ang Pinagkaisang Samahan ng mga Tsuper at Operators Nationwide (PISTON ) sa harap ng isang gasoline station sa East Avenue sa Quezon City para ipanawagan sa gobyerno na ibasura ang buwis sa mga produktong petrolyo at aprobahan ang hirit na dagdag pasahe sa mga pampublikong sasakyan.

Sinabi ni PISTON President Mody Floranda, hindi na kaya ng kanilang hanay ang big-time na pagtataas sa presyo ng produktong petrolyo. Aniya, may pending na petisyon ang PISTON sa LTFRB na P10 fare-increase sa kasalukuyang P13 pasahe sa jeepney.

Kung maaaprobahan, magiging P23 na ang minimum na pasahe sa PUV.

Ani Floranda, kinakailangang kumita ngayon ang mga driver ng P4,600 kada araw para punan ang kanilang boundary at fuel costs.