Steel Rebars bakal

Sa steel plant sa Magalang, Pampanga
RADIOACTIVE MATERIALS NABISTO SA PRODUKTO 40 CHINESE NATIONAL PINIGIL

ni MICKA BAUTISTA

INILUNSAD ang isang malawakang operasyon ng

Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) at National Bureau of Investigation (NBI) laban sa Chuangxing Steel Incorporated, isang steel manufacturing firm sa Purok 1, Navaling, sa bayan ng Magalang, lalawigan ng Pampanga, nitong Sabado, 18 Hulyo, kaugnay ng paglabag ng batas sa nuclear safety.

Sa operasyon, iniulat ng mga awtoridad ang pagkakadiskubre ng malaking volume ng mga materyales na pinaniniwalaang may radioactive content, kabilang ang may Thorium isotopes — na kasalukuyan pang isinasailalim sa masusing pagsusuri.

Aabot sa 323 manggagawa ang naabutan sa loob ng pasilidad, kabilang ang 283 Filipino at 40 Chinese national.

Hawak ngayon ng mga awtoridad ang 40 dayuhan para sa beripikasyon nang hindi makapagpakita ng kaukulang dokumento sa kanilang pananatili at pagtatrabaho sa bansa.

Sinuri ang mga kagamitan, makina, at iba pang posibleng kontaminadong materyales sa loob ng planta, habang patuloy ang inventory at assessment.

Kumuha ng samples ng finished steel products na isinasailalim na sa laboratory testing ng Philippine Nuclear Research Institute (PNRI).

Ayon sa mga awtoridad, ang resulta ng pagsusuri ang magiging basehan kung may karagdagang kasong isasampa laban sa kompanya, kabilang ang posibleng paglabag sa mga batas ukol sa hazardous at nuclear waste.

Dalawang opisyal ng kompanya ang naabutan sa operasyon habang nagpapatuloy ang imbestigasyon. (MICKA BAUTISTA)