INIREKLAMO sa mga mamamahayag ng mga concerned citizen ang malakasang sugal na drop ball, color games, at roleta sa peryang matatagpuan sa Brgy. Bitas, sa Arayat, Pampanga.
Ayon sa mga nagpapasaklolong residente, simula gabi ay inuumaga ang mga nagsusugal sa nasabing perya kesehodang ulanin sila kaya hindi umano nagkapagtataka kung ngiting-aso ang operator/maintainer ng nasabing perya.
Ayon sa impormante, ang nagpapatakbo ng peryang sugalan o pergalan sa Brgy. Bitas ay isang ‘alyas Ely Marikina’ na ipinagmamalaking sobrang lakas niya sa mga opisyal ng PNP.
Ipinagmamalaki umano ni ‘alyas Ely Marikina’ na ang chief of police ng Arayat Municipal Police Station na si PLt. Col. Carolina San Pedro ay sanggang dikit niya sa operasyon ng perya.
Kahit kabataan pa lamang ay pinapayagan magsugal sa pergalan ni ‘alyas Ely Marikina’ kaya matindi umanong humakot ng taya sa mga pasugalang may daya.
Bukod sa hepe ng lokal na pulisya, ipinagyayabang din umano ni alyas Ely Marikina na ‘nakabulsa’ sa kanya si PColonel Ricardo M. David, ang provincial director ng Pampanga Police Provincial Office.
“Kaya hindi po kami magreklamo sa pulisya kasi ipinagmamalaki ni alyas Ely Marikina na ‘tongpats daw ang lespu’,” pahayag pa ng mga nagrereklamong residente.
Wala pang pahayag ang lokal na pulisya at ang provincial office kaugnay ng reklamo ng mga residente.
(MICKA BAUTISTA)
