P2.08-B pondo sa 2019 SEA Games ganap nang na-liquidate — PHISGOC
BUKAS ang Philippine Southeast Asian Games Organizing Committee (PHISGOC) sa anumang lehitimong pagsisiyasat matapos nitong ilabas ang sertipikasyon ng Philippine Sports Commission (PSC) na nagpapatunay na ganap nang na-liquidate ang P2.08 bilyong pondong inilaan para sa pagho-host ng bansa sa 2019 Southeast Asian Games.
Ayon kay PHISGOC President at Chief Operating Officer Ramon Suzara, matagal nang nakumpleto, naisumite at sumailalim sa independent audit ang lahat ng rekord ng organisasyon, kaya handa itong makipagtulungan sa anumang pormal na imbestigasyon.
Ipinaliwanag ni Suzara na idinaos ang ika-30 edisyon ng SEA Games mula Nobyembre 30 hanggang Disyembre 11, 2019. Bagama’t naantala ang ilang obligasyon matapos ang torneo dahil sa pandemya, sinabi niyang kinumpirma ni PSC Chief Accountant Erik Mayores na ganap nang na-liquidate ang PHISGOC noong Marso 2022.
Sa sertipikasyong may petsang Hulyo 20, 2026, nakasaad na batay sa rekord ng Accounting Division ng PSC, naisumite ng PHISGOC Foundation ang kabuuang 100 porsiyento ng liquidation reports kaugnay ng P2.082 bilyong financial assistance na ipinagkaloob ng PSC para sa pagho-host ng 30th SEA Games.
Dagdag pa ni Suzara, ang lahat ng dokumentong pinansyal ng PHISGOC ay sumailalim din sa independent audit ng PricewaterhouseCoopers/Isla Lipana & Co.
Bukod sa maayos na liquidation ng pondo, iginiit ng PHISGOC na ang matagumpay na pagho-host ng Pilipinas ang pinakamalinaw na patunay ng naging maayos na pamamahala nito.
Sa naturang edisyon ng SEA Games, tinanghal na overall champion ang Pilipinas matapos humakot ng 149 ginto, 117 pilak at 121 tanso, o kabuuang 387 medalya—ang pinakamataas na medal haul sa kasaysayan ng bansa sa biennial meet.
“Isa itong organisasyong binuo ng iba’t ibang ahensya at departamento ng pamahalaan para tiyakin ang matagumpay na pagho-host ng Pilipinas. Nagawa natin ito at ipinagdiwang ito ng buong bansa,” ani Suzara.
Binigyang-diin din niya ang patuloy na pakinabang ng mga pasilidad sa New Clark City (NCC), na nananatiling tanging internationally certified athletics venue (World Athletics Class 1) at aquatics venue (World Aquatics) sa bansa na kayang magdaos ng mga kompetisyong pangrehiyon.
Aniya, ang NCC sports facilities ay isang mahalagang proyektong itinayo ng Bases Conversion and Development Authority (BCDA) sa loob lamang ng 18 buwan at natapos bago ang pagbubukas ng SEA Games.
Tiniyak din ng PHISGOC na nakahanda itong tugunan ang anumang partikular na alegasyon sa tamang proseso at iharap ang lahat ng kinakailangang rekord sa anumang lehitimong imbestigasyon. (PHISGOC/HNT)
